Thursday, September 29, 2005

ISANG PAGDALAW NI HESUS SA PILIPINAS - Jose Rizal


Isang nakakatawang kwento ni Rizal tungkol sa Pilipinas noon. Binasa ko ng ilang oras dahil sa haba pero nakakaaliw.


Nalimot nang lubos ng mga naninirhan sa lupa, marami nang dantaong tinalikdan ng Diyos Ama ang mga bagay-bagay sa daigdig na ito. Ang pamamahala sa lupa'y ipinaubaya niya sa mga santo at iba pang kilalang diyus-diyusang sinasamba ng mga tao dahil sa kabaliwan nila. Pinagkakaabalahan niya ang ibang mga araw at buntala (planeta), na lalo pang kaaya-aya't malalaki kaysa atin, sapagka't sa mga yao'y hinahandugan ng isang pagsambang wagas at walang dingal ang Walang-hanggang Lumalang. Tuwing tumatama ang kanyang makapangyarihang paningin sa ating maliit na bolang nababalot ng ulap na umiikit sa walang katapusang alangaang, ang kanyang tingi'y batbat ng sama ng loob na inilalayo roon na walang iniwan sa isang amang nagagalit sa pagkakamalas sa isang anak na walang utang na loob at namumuhay nang di-mabuti. Sa gayon, ang lupang ipinaubaya sa mga diyus-diyusan ay nabatbat ng karalitaan at ng sakit; ang karimlan ay bumaba sa ibabaw niya at sa kanyang sinapupunanay umaangal ang nagngangalit na simbuyong anaki'y mga ahas na nakulong sa kanilang mga lungga. At ang mga pananaghoy ng mga sawimpalad at mga hinaing ng mga napapriwara'y pumupuno sa kalawakan, naglalagos sa mga ulap at pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Nakapangyayari sa lahat.

Sa wakas ay nahabag ang Walang Hanggan, at isang araw, matapos ilagay ang kanyang salamin sa mata, ay nagwika sa sarili:

--Tingnan, tingnan natin kung ano ang nangyayari sa mga taong tunggak na naninirahan sa parang suha nilang kabilugan.

Tumingin ang Diyos sa dakong lupa at niloob ng pagkakataong ang kanyang tingin ay tumama sa isang lipon ng mga pulong ang karamiha'y mga bulubulundukin, naliligiran ng mga sinisigwang dagat at niyayanig ng malakas na lindol na anaki'y isang maysakit na nakakain ng asoge. At nakita ng Diyos ang mga lalaking may iba't ibang lahi at kulay, ang ilan ay nakasaya, ang iba'y nakapantalon, may mga ulong inahitan sa tuktok at may naiwang buhok sa paligid ng dakong ibaba ng ulo, samantalang ang iba'y pabaligtad naman, na anupa't inahitan ang dakong ibaba ng ulo't sa gitna'y may isang tungkos ng buhok na mahaba, gaya ng sa babae. At ang isa't isa'y nagsisiindak at nagsasabi ng maraming kahangalang ipinatutungkol sa Kanya, sa Amang Walang Hanggan; ang ilan pa'y gumagawa ng lalong maraming pag-indak at lalo pang maraming kahangalan sa paniniwalang ang gayo'y makalulugod saa Kanya. Akala ng Amang Walang Hangga'y nakakita siya ng mga pangitain, inayos na mabuti ang kanyang salamin sa mata at pinagbuting lalo ang pagmamatyag.

Namasdan niyang may mangilan-ngilang nabubuhay nang walang anumang ginagawa, umaapi't umaalipin sa iba, dumudukit sa mga mata, sumisipsip ng utak, at hindi pa yata nasisiyahan sa mga ito'y kanila pang nilalait at dinudusta. Datapuwa't ang lalong ipinagtaka ng Amang Walang Hanggan ay nang makita niyang ang lahat ay pawang di nasisiyahan, at sa katunayan, ang mga nang-aapi ay lalo pang hindi nasisiyahan kaysa mga inaapi.

--Lintik, lintik! --ang bulong na kasabay ang malakas na pag-iling ng ulo at paghaplos sa kanyang balbas--tila masama ang nangyayari sa mga pulong iyon. Hoy! Ikaw, halika!--ang idinugtong sa isang malakas na tinig at tinawag si arkanghel Gabriel na nagdaraan sa malapit doon.

Lumapit si Gabriel!

--Nalalaman mo ba kung ano ang ngalan ng mga luntiang pulong iyon sa ibaba, na may di-karaniwang naninirahan at may mga ugaling lalo pang di-karaniwan?

Tinanaw ni Gabriel ang itinuturo sa kanya.

--Bakit po hindi ko malalaman!--ang isinagot niya-- sa doo'y nagkaroon ako noong araw ng isang templo at isang liwasan!

--Ikaw, Abeng, diyata't ikaw ay nagkaroon doon ngisang templo't isang liwasan! --ang bulalas na natitilihan ng Amang Walang Hanggan.--Pinahihintulutan mo ba ang gayong mga kalabisan?

--Ba, yao'y binawi na po sa akin. Ibinigay nila sa isang prayle. Doon ang lahat ay humahantong sa mga kamay ng mga prayle!

--Mga prayle ba ang sabi mo? Anong uri ng kulisap ang mga iyan?

--Iyan po'y…ang isang prayle, ang isang prayle'y isang bagay na napakahirap pong ipaliwanag--ang tugon ni Gabriel na nalilito. Isang prayle… nariyan ang quid,iyan ang kahirapan. Ako ma'y hindi ko nauunawa kung ano ang isang prayle.

--At ano ang ngalan ng mga pulong iyan?--ang tanong ng Diyos na buong pag-uusisang tumingin sa lupa.

--E, ano pa po kundi ang Sangkapuluang Pilipinas!

--Aha! Iyan pala ang bantog na Sangkalupaang Pilipinas, ang bansang pinagbubuhatan ng maraming…. Datapuwa't ang akala ko'y…Nguni't sabihin mo nga sa akin: bakit nag-aangkin ng ngalang tunog kastila gayong alinsunod sa aking naririnig ang mga naninirahan doo'y hindi naman nagsasalita ng wikang iyan?

--Iya'y isa pang quid na hindi ko maunawa, Amang Walang Hanggan--ani Gabriel na tutoong nawili sa katagang quid noong siya'y nasa Pilipinas pa;--ang mga naninirahan sa mga pulong iya'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga kastila!

--Nasa ilalim, Gabriel, nasa ilalim ba ang sabi mo? Nilikha kong malaya ang mga tao; ipinanganganak na malaya ang mga tao…pantay-pantay ang lahat ng mga tao…!

--Iyan pa nga ang isang quid?

--Tumigil ka sa ka-qui-quid-quid, Gabriel, at magpaliwanag ka nang lalong mahusay.

--Aba! Kung ipaliliwanag ko sa Inyong Maharlikang Kadiyusan ang mga bagay na nangyayari diyan sa ibaba, ay hindi tayo magkakaunawaan kahit na sa loob ng pitong araw…

--Datapuwa't ipaliwanag mo man lamang sa akin, kung bakit gayong nilikha ko ang lupa para sa tao, para sa taong nagbu-bungkal niyaon, at gayong nilikha kong malaya at pantay-pantay ang lahat ng tao, ay kung bakit ang mga naninirahan sa mga pulong iyo'y namamanginoon sa mga kastila?

--Sapagka't …isang taong tinatawag na Alejandro VI, na sa ngalan ng Inyong Maharlikang Kadiyusan…

--Ano, ano sa aking ngalan? Aba!--ang putol ng amang Walang Hanggan na hindi na makapagpigil --sino ba ang Alejandro VI na iyan?

--A! iya'y isa pang quid …--ang itinugon ni Gabriel na hindi makalimot sa masama niyang nakagawian-- iyang si Alejandro VI na naghahangad mamahala sa daigdig sa ngalan ng Inyong Maharlikang Kadiyusan…

--Ano, ano, sa aking ngalan? Aba!--ang putol ng amang walang Hanggan na hindi na makapagpigil -- sino ba ang Alejandro VI na iyan?

--A! iya'y isa pang quid …--ang itinugon ni Gabriel na hindi makalimot sa masama niyang nakagawian--iyang si Alejandroo VI na naghahangad mamahala sa daigdig sa ngalan ng Inyong Maharlikang Kadiyusan, ay isang taong tampalasan na lumason sa marami , gumawa ng mga kahalayan sa anak niyang babae.

--Hesus, Maria!--ang putol ng Amang nagkurus-- Hesus, Maria! At ang buhong na iyo'y namamahala sa aking ngalan! Sanctus Deus, banal na Diyos!

--Sa dahilang ang Inyong Maharlikang Kadiyusan ay hindi na nakikialam sa lupa… Kapag natutulog ang panginoo'y nagdiriwang at nagsasaya naman ang mga utusa't magnanakaw!--ang sagot na may himig pagsisi ni Gabriel.--Ang buong daigdig ay nakaaalam na ang Alejandrong iyan ay isang tampalasang mapanlinlang, kaya't siya'y sinumpa't itinakwil ng lahat ng taong marangal, ng buong Europa't Amerikang bihasa at ang ngalan niya'y naging singkahulugan ng mga salitang mahalay, mamamatay-tao,manlalason, mapagagawa ng salita, mapang-apid sa malalapit na kadugo…Bukod-tangi at diyan lamang sa mga pulong iyan dinarakila siya : diya'y itinalaga sa kanya ang isang buong lansangan na pinamagatan ng kanyang pangalan!

--Totoo ba iyan? Nasisiraan na ba ng bait ang bansang iyan? Nguni't magpatuloy ka: sinabi mong ang tampalasang iyon, sa pagmamalabis sa aking ngalan…

--Ibinigay niya ang mga pulong iyan sa mga portuges!

--Sa mga portuges? Nguni't hindi mo ba sinasabing ang mga pulong iya'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga kastila? Ano, kung gayon ang kinahinatnan ng aking ngalan at puri?

--Iya'y isa pang …ibig kong sabihi'y magpapaliwanag ako: sa pagsasamantala sa pagpapabaya ng Inyong Maharlikang Kadiyusan ay hinati ni Alejandro VI sa mga kastila't mga portuges ang buong lupa…

--Nguni't sino ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang makahati sa lupang hindi naman niya pag-aari?

--Aba, ba! Napagkikilalang matagal nang panahong hindi nalalaman ng Inyong Maharlikang Kadiyusan ang nangyayari sa lupa; sapagka't ni hindi nakapipigil sa mga papa ng pagsasaalang-alang sa mga bagay na iyan! Pati na ang langit ay naari nilang pakialaman, ang kaharian ng Inyong Maharlikang Kadiyusan at ampu ng Inyo na ring Maharlikang Kadiyusan.

--Pinakikialaman nila ako, pinakikialaman ang langit, ano ang iyong sinasabi?--ang naibulalas ng Diyos Ama na napatindig.

--Uy, uy!-- ani Gabriel, at hindi lamang ang mga papa, na sa anu't anoma'y nagpaphalaga at nag-aangkin ng kapitapitagang anyo, kundi pati ng kahuli-hulihang prayle, ang kahuli-hulihang unggoy, gaya ng sinasabi namin sa Maynila, ay nangangahas na mag-utos sa inyo, at kayo'y ginagawa nilang parang isang tagaganap ng mga nais nila. Uy, uy, uy!

--Hesus, Maria, sus Maria! Iyan ba'y maaaring mangyari? --ang sigaw ng Amang sabay sa pagtukop ng dalawang kamay sa ulo;--o tempor! o mores! "O mga panahon, O mga kaugalian!"…Datapuwa't magpatuloy ka, magpatuloy ka: sinasabi mong hinati niya sa mga kastila't mga portuges ang lupa…

--Ang mga pulong natatanaw ng Inyong maharlikang Kadiyusan ay nauukol sa Portugal.

--Hindi po, Panginoon, bagkus pa nga'y kabaligtaran ang nangyari. Isang portuges na may mga kaibigan sa Espanya, ang siyang sumakop niyaon para sa mga kastila…

--Isang portuges, ang wika mo? Samakatuwid ba'y gumawa siya ng isang pagkakanulo sa kanyang inang-bayan? Hindi kita maunawaan.

--Siyangapo, Ama, siya'y nagtaksil sa kanyang inang-bayan, nguni't siya'y nagdahilan sa pagsasabing ang hari niya'y ayaw magdagdag ng upa sa kanya.

--At sa dahilang iya'y nagtaksil siya sa kanyang hari't inang-bayan? Ano ang ginawa pagkatapos sa taong iyon?

--Sa karangalan niya'y nagtayo ngisang bantayog sa Pilipinas at isang lansangan ang bininyagan ng katulad ng kanyang ngalan, gaya rin ng ginawa kay AlejandroVI.

--Isa pa! Ito ba'y dahil sa doo'y pinararangalan ang lahat ng mga pilyo?

Tiniklop ng arkanghel Gabriel ang kanyang pakpak.--Alamin ninyong ako'y wala nang templo roon,--ang bulong niya.

--Datapuwa't ang Portugal, ano ang ginawa nang magkagayon,--itinanong ng Amang lalong nananabik dahil sa kagusutan.

--Tumutol siya, at nang makilala ni Carlos, na hari ng mga kastila, ang mga matuwid na pinanghahawakan, at dahil sa isang malaking halaga ng salapi, na noo'y kanyang kinakailangan, ay ibinigay ni Carlos sa Portugal ang mga karapatang maaaring naging kanya hinggil sa pulong na yaon.

--At yao'y kinuha ng Portugal, kung gayon?

--Hindi po, Ama: si Carlos ay nagpadalang muli ng mga pandarayuhan upang sakupin ang pulong iyon, nguni't ito'y hindi naman nila natamo hanggang, sa wakas, ang anak niya'y siyang nakalupig niyaon sa pamamagitan ng katusuhan, ang isa'y sa pamamgitan ng pakikirigma, at ang isa pang bahagi'y sa pamamagitan ng mga matatmis na pangako.

--At ang Carlos na iyan at ang kanyang anak, ay may mga bantayog din ba sa Pilipinas?

--Wala pa po, nguni't magkakaroon din sila pagdating ng panahon--ani Gabriel.

--At ano ang ginawa ni Alejandro nang makita niyang hindi tinupad ang kanyang mga pasiya, nagsikap ba siyang gumawa ng pag-aayos?

--Hindi po, namatay na siya, pagka't siya'y nilason. Nguni't hindi niya diniribdib ang kanyang mga kapasiyahan!

--At ang mga tao, ano ang kanilang sinasabi kapag nakikita nilang napapalungi ang aking kabanal-banalang ngalan sa ganyang mga pagkakasundo?

--Ano pa ang sasabihin nila, Walang Hanggang Ama, kundi alin sa dalawa: o walang Diyos, o kung kayo ma'y nabubuhay, sila'y inyong pinabayaan?

Nagtakip ng mukha ang matandang Diyos, at pagkatapos, taglay ang kalungkutan sa mukha'y nagwika:

--Tingnan natin, Gabriel: yamang ikaw ay nakarating na sa mga pulong yaon at tila nakikilala mong mabuti, ano ang inaakala mong nababagay gawin upang malunasan ang mga kasamaan doon?

--Itinanong po ba ng Amang Walang Hanggan kung ano ang aking palagay?

--Oo, anak ko, sapagka't hanggang sa akin ay nakararating ang mga tinig at ninanais kong bigyan ng wakas ang gayon kalaking kasaliwaang-palad.

--Kung ako, ay dudurugin ko ang lahat ng pulo… at si Gabriel ay nagpamalas ng isang anyong nagpapakilalang parang may dinudurog sa kanyang mga daliri.

--Ganito, Amang Walang Hanggan, ganito, at ako'y gagawa ng mga bagong pulong may mga bagong naninirahan. Ganito, ganito nga!

--Aba, aba,-- anang matandang Diyos sa isang makaamang tinig,--napagkikilalang ikaw ay bata at hindi ka pa nahihirating makakita ng mga kadiyabluhan. Marahil ay masakit pa ang iyong loob dahil sa inalisan ka ng iyong templo at ng liwasan upang maibigay sa isang…ano ang tawag mo sa kanya?

--Prayle!

--Iyan nga, prayle! Anong pangalang napakakakatwa, hindi ko natatandaang lumikha ako ng ganyang bagay! Datapuwa't hindi nararapat maging mapaghiganti; tularan mo ako. Alalahanin mong ako'y tinatawag na Diyos ng mga paghihiganti, gayong ako ay puno ng awa! Ako'y siyang nagkaloob sa kanila ng lahat, at ako'y wala roon kahit isang templo; binigyan ko ng kalayaan ang lahat, at ang aking ngala'y pinagmamalabisan upang sirain ang aking nilikha. At gayon man, ako'y hindi lamang hindi naghihiganti kundi nagnanasa pa rin ngayon na sila'y paligayahin.

--Mabuti po, kung gayon--isinagot ni Gabriel--kung ang Inyong Maharlikang Kadiyusan ay ayaw sumunod sa aking palagay, ay humingi Kayo sa ibang nag-aankin ng malaking kabantugan sa Pilipinas. Haya't nagdaraan si San Andres, ang pintakasi ng Maynila, na ang kapistaha'y ipinagdiriwang taun-taon nang buong dingal at gara, may mga watawat, mga prusisyon, mga tambol, mga tagahatol, mga alguwasil mga nakabalatkayo, mga kabayong patpatin, at iba pang matatandang bagay-bagay!

At ang arkanghel, matapos na makapagpugay, ay lumayo.

--Hoy, Andres, ano ang nalalaman mo hinggil sa Pilipinas? --Ang tanong ng Diyos Ama sa isang matandang nagdaraan na may daladalang isang kurus nang umugong ang ngalan ng Pilipinas.

--Hala, ano ang ipinapayo mo sa akin upang mailagay sa kaayusan ang Maynila?--ang dugtong ng Ama sa isangmatamis na tinig nang makitang si Andres ay nauumid.

Napangiwi si San Andres nang marinig ang mga salitang kaayusan at Maynila at tinawagan ang lahat ng mga santo.

--Hala, magsalita ka! Ano ang iyong ipinapayo?

--Ako, Panginoon, ako, wala, talagang wala!--sa wakas ay nasabi ng Apostoles--wala akong pakialam sa bansang iyan, ayokong makitungo sa mga taong iyan, ako'y isang santong mahilig sa katahimikan at bahagya nang magsalita, isa pa'y hindi ako makauunawa ng mga kasulatan. Pabayaan nila ako sa kapayapaan, napakarami nang sama ng loob ang ibinigay nila sa akin!

--Nguni't, hindi ba ikaw ang pintakasi ng Maynila?

--Hindi po, hindi…hindi…Ama…opo…Ama, ang ibig kong sabihi'y…opo…nguni't hindi po…hindi…hindi…

--Nguni't, tao ka nga pala, magpaliwanag ka.

Hinaplos ni San Andres ang kanyang batok, pinaypayan ang sarili ng laylayan ng kanyang balabal sa dahilang nararamdaman niyang siya'y nasa kagipitan gaya noong siya'y ipako sa kurus; at matapos makagawa ng isang pagpupumilit ay nakapagsabi rin sa wakas:

--Tingnan ninyo Maharlikang Kadiyusan, ako'y walang kasalanan. Ang kasaysaya'y ito. Maraming taon pagkatapos na masakop ng mga kastila ang mga pulong iyon ay dumating doon ang ang maraming insik na nagtangka ring sumakop sa mga nasabing pulo. Doo'y naglabanan sila, nagpatayan at ako'y hindi nakialam sa anumang bagay; paano ko po ba magagawa iyon? Datapuwa't ang mga nanalo, upang papagtibayin ang kanilang pananakop ay nagkunwang palitawing tumpak ang kanilang ginawa at ako'y isinangkot at iniukol sa aking panghihimasok ang kanilang pananalo; iligtas nawa ako ng Diyos! Dahil daw sa ang paglalaban ay nangyayari sa aking kaarawan, na para bang ako'y may kinalaman sa lahat ng bagay na ginagawa sa araw na iyon. Nguni't ang lalong kakatwa sa pangyayari'y hindi ko naman kaarawan iyon, sapagka't ang mga kastila, dahil sa naglakbay sila nang sunod sa takbo ng araw ay nagkamali tungkol sa araw ng talaarawan. Diya'y makikita ng Inyong Maharlikang Kadiyusan na ako'y talagang walang kasala-sala sa ginawa nilang pagkakapatungkol na iyon.

--At kanino nauukol ang araw ng kanilang paglalabanan?

--Ano po ang malay ko sa bagay na iyan, Walang Hanggang Ama?--ang sagot ni San Andres na nag-astang aalis na. Tila po sa isang nagngangalang Prokulo, o isang Evasio. Maraming santo ang nakalagay sa talaarawan, at sila ang siyang nararapat papanagutin!

Ipinahanap nag mga santong binaggit, datapuwa't hindi sila nakikilala ng mga anghel, at ang Amang Walang Hanggan, na hindi nauubusan ng pagtitiis, ay nagtanong:

--Nguni't tingnan nga natin, ano bang relihiyon ang sinusunod sa Pilipinas?

Nagtinginan ang mga pinagpala, nagtanungan ang mga anghel sa pamamagitan ng kanilang tingin na walang iniwan sa mga batang nag-aaral na hindi nakaaalam ng takdang aralin, hanggang ang isang lalong malikot at pangahas kaysa iba, isang tunay na enfant terrible, ay sumagot:

--Ang relihiyon kristiyano po!

--Sino ang nagsabing ang aking relihiyon ay siyang umiiral sa mga pulong yaon?--ang tanong ng isang tinig lalaki, maliwanag at tumataginting,--sino ang nangangahas lumait sa aking relihiyon?

At isang taong matangkad, may pormal at mapanglaw na pagmumukha, makisig ang tindig at kapita-pitagan ang lakad, aynapagitna sa mga lalong dakila sa mga nagtatag ng mga relihiyon. Ang anghel na matabil, na nanginginig ang buong katawan at nagugulumihanan, ay nagkubli sa likod ng kanyang mga kasama, na nag-ukol sa kanya ng ganitong pagsisi:

--Aba, mabuti nga sa iyo!

--Anong relihiyon, kung gayon, ang sinusunod sa Pilipinas--ang muling tanong ng Amang Walang Hanggan na nakatingin sa lahat:--samakatuwid ba'y walang relihiyon ang mga pulong iyon?

Si Hesus ay nanatiling lalong mabagsik at lalo't higit na mapanglaw; kaya't bagaman marami ang nakatingin sa kanya, ay walang makapahangas magsalita. Sa wakas, isang lalong nakatatanda, may bikas insik, may bigote't balbas na makapal, kulay kayumanggi at mga matang singkit, pagkatapos ng maraming pasikut-sikot na anyo at pagyukod, ay sumagot, sa isang tinig na mapagpahiwatig at malumanay:

--Ang makatuwirang si Hesus ay nagsabi ng katotohanan; ang relihiyon niya'y hindi sinusunod sa Pilipinas, at halos mapapangahasan kong sabihing ang kanyang aral ay hindi nakikilala roon. Nguni't ipahintulot sa kanyang di-karapat-dapat na alagad na si Kungsten na sabihin sa kanyang bagama't totoong ang mga kautusan niyang maka-Diyos ay hindi umiiral doon, sa kabilang dako nama'y pinagmamalabisan ang ngalan niya, at sa ngalan niya'y ginagawa ang mga pagkakasala't mga kasamaang hindi pa naririnig . Ito'y nalalaman ko sa dahilang ang bansa ko'y malapit sa Pilipinas, at maraming nagsisisamba sa mga anito sa amin ang nagki-kristiyano doon dahil sa mga hangaring humigit-kumulang ay kasumpa-sumpa, humigit-kumulang ay mahalay!

Ang mga pangungusap ni Kungsten ay nag-aangkin ng malaking bigat sa mga kapulungan sa langit, kaya't si Hesus ay walang pagkagalit na sumagot ng ganito:

--Sumasang-ayon ako kay Kungsten, nguni't hindi ako maaaring panagutin sa mga pagmamalabis na ginawa sa aking ngalan ng ilang mapagkunwari, lahi ng mga ahas, mga ulupong, mga libingang pinintahan ng puti. Kung ang ngalan ng Ama'y pinagmamalabisan, ano ang hindi gagawin sa aking ngalan? Ang aral ko'y nasusulat, at bagama't binago ay naroro't nagniningning, tumututol. Pinagmamalabisan ang aking ngalan sa dahilang ang mga tao'y nakalimot na sa akin, sa dahilang hindi nila nagugunitang akong nangaral ng pag-ibig at pagmamahalan, ay hindi ko maamin ang anumang paghahari-harian, ang anumang pang-aapi. Tinuruan ko silang mangatwiran, sumuri, magsiyasat, bakit ipinipikit nila ang kanilang mga mata? Ano ang kasalanan ko kung may mga bulag at hangal sa lupa? Sa anong kalagayang katawa-tawa ibig nila akong pababain kapag sa paglimot nila sa aking aral, sa pinagbabatayang kagandahang asal ng aking gawa sa pinakadiwa ng aking pangangaral, sila'y nagpapatirapa ngayon sa pagsamba sa mga bahagi lamang at loob ng aking katawan? Itinakwil ko ang lahing iyan ng mga mapagkunwari at matagal na sanang panahong ako'y tumutol kung hindi ko lamang nababatid na sa pagkakagulo'y masasangkot ang aking ina.

--Ipagpaumanhin mo, anak; --ang salo ng isang mabait na babaing may pagmumukhang kaakit-akit at tinging maawain--ang aking ngalan ay pinagmalabisan nila nang higit ng pagmamalabis nila sa iyo, at kung ako'y hindi tumututol ay upang huwag kang bigyan ng sama ng loob. Tingnan mo, doo'y kinakalakal ako, ang aking pag-ibig, ang aking damdamin; ang aking ngalan ay kinakasangkapan upang kunin ang kahuli-hulihang kuwalta ng dukha, upang upanganyaya nga mga babaing may asawa, upang ilugso ang puri ng mga dalaga, upang ilugmok ang buu-buong angkan sa kamangmangan at sa kaabaan. Ako'y inilalarawan kung minsang maitim, kung minsa'y kayumanggi, at kung minsan pa'y maputi. Akong lagi nang nabuhay sa aking paggawa at kailanma'y hindi nanghingi ng limos kaninuman, ngayo'y kailangang maglakbay sa bayan-bayan, sa bahay-bahay, at nagpapalimos upang sandatin sa ginto ang mga nabubuhay sa mga kasayahan at kasaganaan; ako'y ginagawang panakip o sangkalan ng mga gawang nakaririmarim at ng mga paliligawan, tagapagtinda ng mga rosaryo, kalmen at sintas, at kung maisipan nilang ako'y bihisang mabuti, ang hangad nila'y makapagkamal ng lalong maraming salapi gaya ng ginagawa nila sa isang mananayaw sa sirko. At hindi pa yata sila nasisiyahan sa mga ito, ay ipinakikilala nilang ako'y may mga pangangailangan at may mga kahinaan, ako'y ipinalalagay na mapaghiganti, masakim, matigas ang puso, at maminsan-minsa'y ipinakikipagkagalit nila ako, ipinakikipagbalitaktakan at ginagawang kaaway ng akin na ring sarili; ako'y pinaliligo, pinasasayaw, binibihisan ng mga kakatuwang damit at ginagawa sa akin ang lahat ng uri ng kalapastangana't kadiyabluhan. Ngayong nalalaman mo na, isinasamo ko sa iyo, anak ko, na ako'y alisin mo sa mga pulong yaon sapagka't hindi ko nakayang bathin pa ang mga iyon. Iwan mo roon ang mga santo, at bahala na silang makipagkasundo sa kanila, nariyan sina Agustin, Domingo, Ignacio…

--Nequaquam, sa anumang paraa'y hindi maari--ang tutol ni San Agustin--doo'y masama ang aking kinahinatnan. Ang aking mga anak, kung hindi mga manunulat na hangal ay mga mangangaral namang matatabil: ang pinakamabuti sa kanila'y isang komidiyante. Sila'y ibinibigay ko na sa iyo, Francisco.

--Ang mga anak jko ay labis-labis sa katabaan--ang tugong malungkot ng patpating si San Francisco--minamabuti ko nang makipag-unawaan sa aking maliliit na hayop. Ang nararapat paghabilinan ng mga iyan ay si Ignacio, na ssiyang lalong mahiman at masipag.

--Sa matibay na pananampalataya't kalooban marahil ay may magagawa ako,--ang pakling may kasabay na mabining ngiti ni Ignacio de Loyola--ang aking mga anak ay naaralang mabuti at sumusunod sa mga alituntunin, nguni't ang iyong mga anak, minamahal kong Domingo, sa kabila ng lahat ng aking pagpapaunlak sa kanila, ay nagtatangkang maglagay ng sagabal sa lahat ng aking gawain, nagtatangkang itapon ako…Kung ikawa sana'y maaaring mamagitan…

--Sino? Mamagitan ako?--tanong ni Domingo--oh! Kailanman! Una, ako'y ginagalit nila dahil sa aking kalmen at mga bituing yari sa mga batong huwad. Sila'y nakahandang alisan ng hanapbuhay. Bahalang magtuwid sa kanila ang Nunsiyo at si San Pedro!

--Sino ang nagsasalita tungkol sa akin? --ang tanong ng isang tinig na gumagaraalgal gaya ng isang matandang tagapag-ingat ng pinto.

Siya'y si San Pedrong dumarating, upaw ang ulo at ang mga kamay ay puno ng tinta.

--Sinasabi namin--ang sagot ni Santo Domingo--na nararapat ninyong ayusin ang mga bagay-bagay sa Pilipinas yamang kayo'y may isang Papa…

--Ipinakikiusap ko sa inyong huwag banggitin sa akin ang Papa, para na ninyong awa;--ang putol ni San Pedro --tingnan ninyo kung gaano kapuno ng tiinta ang aking mga kamay dahil sa pagtatala ng mga indulhensiya. Lumalaki ang aking ulo! At wala kayong ibang ninanais kundi ayusin ang Pilipinas! At kung ako'y bitayin? Nababagay bang ako'y mag-ayos ng isang bansang pinaglilingkuran ng aking mga anak na parang mga utusan lamang o mga koadhutor, samantalang sumisipsip sa kanya ang iyong mga anak? Kayo ang siyang mag-ayos at kung hindi naman , bahala na silang mag-ayos sa kanilang sarili.

At pagkasabi nito'y umalis, pagka't narinig niyang may kumakatok sa pinto.

--Siyanga, sila ang bahalang mag-ayos sa kanilang sarili!

--Kanin nilang kasama ng kanilang tinapay!

--Manalangin sa Diyos na kasabay ang paggawa!

--Bawa't bansa'y nagkakaroon ng kapalarang nararapat sa kanya.

--Ang mga naghahari-haria'y nabubuhay sapagka't pinahihintulutan sila ng mga pinaghaharian!

--Ang sinumang pumapayag sa lahat ay nararapat magdusa.

Ito't iba't iba pang bagay ang sinasabi ng mga santo sa takot nilang paroon sa Pilipinas. Nang silang lahat ay mamalas na pawang umiiwas sa panganib, ay hindi malaman ng Amang Walang Hanggan kung ano ang gagawin.

--Datapuwa't tingnan natin, alamin muna natin kung ano ang nangyayari sa Pilipinas…Sino ba sa inyo ang nakakaalam? Walang sinuman? Lintik! Nguni't wala bang sinumang pilipino diyan…

--Mayroon po, Amang Walang Hanggan, marami rin po-- ang sagot ni San Juan na may dala ng mga talaan ng langit, nguni't sila'y napakabihira at napaka…

--Kahit na, paparituhin sila, tayo na ang bahalang kumuha sa kanila ng kahit kaunting balita. Kiniha ko ang lahat ng bagay buhat sa wala!

--Mga pilipino, hoy! Mga pilipino. Kayong mga nakapanirahan sa Pilipinas!--ang pahayag ng mga anghel sa buong niluwang-luwang na kalangitan.



III



Napansin ang isang di-karaniwang nagpapayao't dito sa mga pulu-pulutong ng mga naninirahan sa kalangitan. Marami sa mga pilipino'y natutulog, nagtatago ang ilan dahil sa inaakala nilang sila'y kakapkapan, hihingan ng sedula ng pagkamamamayan, o pagagawin ng walang bayad sa mga gawaing bayan at iba pa, gaya ng pinagkahiratihan nila sa lupa. Ang mga anghelito, pagkakita sa kanila, ay nagkindatan at sila'y itinuturo, ang mga birhen ay nagpipigil ng ngiti, tinatakpan ang kanilang mukha ng pamaypay upang makapag-anasan ng ilang pangungusap, ang mga matatanda'y naglagay ng salamin sa mata upang lalong makakita, at ang mga arkanghel, kerubin at serapin na hindi maaaring makalimot sa kanilang kadakilaa'y nagsisikuhan at nag-uubuhan.

Kapagkaraka'y lumakad ang isang hanay na ang mahabang dulo'y nawawala sa kalayuan, at sa bawa't sandali'y nararagdagan. Nasa unahan ang lalong mga tanyag, ang lalong matatanda'y ayaw makihalo sa mga binata.

Ipinakilala ni San Juan Evangelista ang kauna-unahan at inisa-isa ang mga karapatan at mga katangian nito. Siya'y isang taga-Espanya, matigas ang balbas nguni't lalo pang matigas ang tingin. Siya'y namatay sa Pilipinas sa sakit na iti.

--Ang kamahal-mahalang Ginoong Policarpio Rodriguez Mendes de la Villaencina, dakilang pantas sa mga bagay -bagay na may kinalaman sa mga pilipino, nakakikilala sa buong bansa, at ayon sa kanya'y nakapaglakbay sa lahat ng pulo, nakaunawang lubos sa indiyo at nakaaalam kung bakit, paano at sa anong paraan hindi umuunlad ang Sangkapuluang Pilipinas!

--A la bonne--heure! Magaling! Ang sigaw ng Diyos Amang ibinuka ang mga bisig,--hala, magsalita kayo; kami'y liwanagan ninyo, kami'y pukawin ninyo!

Ang buong kalangita'y tumahimik at pati ng mga malilikot na anghel at mga walang bait na birhen ay nagsitigil ng pagkikindatan at pagngingitian.

Si Ginoong Policarpio at iba pa ay umubo nang makalawa o makaitlo, lumingus-lingos sa kaliwa't kanan nang may malaking pagpalibhasa, lumura't ibinuga nang napakalakas ang laway sa kalagitnaan pa naman ng inahit na tuktok ni Santo Domingo. Hindi man lamang humingi ng paumanhin ay muling umubo at nagsimula ng pagsasalita sa isang tinig na gumagaralgal:

--Tantuin ninyo, alamin ninyong nakikilala kong mabuti ang b ansa at nagkaroon ako ng isang karanasan na… naku! Kayong lahat na naririto'y mananaghili at nanaisin ninyong nagkaroon sana ng gayon; at hindi ko sinasaklaw ang Inyong Maharlikang Kadiyusan…na…nakauunawa na sa sinasabi ko. Kaya nga, huwag akong pagmayabangan ng iba, pagka't tinatawag kong tinapay ang tinapay at alak ang alak, sa dahilang ako'y sadyang gayon at magustuhin ako sa liwanag, sa tiyakang pagsasabi! Nasabi ko na, iyan nga!

At muling lumurang pinalakas sa kabilang sulok ng bibig, na pumatak ngayon ang laway sa tainga ng mabait na si san Francisco.

Ang Amang Walang Hanggang sumusubaybay nang buong pagmamatyag sa talumpati ni Ginoong Policarpio'y nanatiling nakatunganga.

--Datapuwa't, ang bakit, ang paano, at sa anong paraan…?

--Tantuin ninyo, alamin ninyong nakikilala kong mabuti ang bansa at mayroon akong isang karanasang…

--Tumigil na kayo, tao pala kayo, tumigil na kayo--ang putol ng isang taong nasa likuran niya--hindi ninyo nalalaman ang inyong sinasabi, dito'y wala tayo sa Maynila kundi sa Kaharian ng Langit.

Ang nagsabi ng gayo'y isang ginoong makisig na may mga kilos na katangi-tangi.

--Hala!--anang Ama sa ikalawang tao-- tila lalo kayong nakakikilala sa Pilipinas, liwanagan ninyo kami.

Ang tinukoy ay nag-ayos ng kanyang bigote, tumingin sa lahat nang may matiwasay na ngiti at sa pagkagunita sa katipunan ng mga birhen ay nag-unat ng tayo, at sa isang tinig na matamis at tumataginting ay nagwika:

--Napakabanal na Maharlikang Kadiyusan, ang kahinhinang lagi ko nang ikinatangi sa lahat ng mga pagtitipong bayang naging kapalaran kong dakuhan-- pinanguluhan kong manaka-naka ang mga ito, buhat sa mga karaniwang miting na pambayan hanggang sa mga kapita-pitagang pagpupulong ng mga kapulungan ng aking tinubuang lupa…

--Sa butil agad, tao ka, sa butil-- ang sabad ni Ginoong Policarpio.

--Tao naman kayo, huwag sana kayng bastos! Bayaan ninyo akong magsalita!

--Tumahimik kayo, hoy!

Nagkainitan sila sa pagtatagisan ng mga salita, at magsusuntukan na sana kung di namagitan si San Miguel, ang pinuno ng kaayusan doon sa itaas, na pumayapa sa kanila. Inutusan silang umalis ng Amang Walang Hanggan. Sinikap na pigilin ng mga anghel at mga birhen ang ngiti nila.

Sumunod ang isang manang na nagkakangbubukot sa dala-dalang kalmen, mga kandila, mga aklat sa pagsisiyam, mga sintas, at iba't iba pang kulukuti.

--Ito po'y si Ginang Antonia, tubo sa Pilipinas --ani San Juan. Inaksaya ang lahat niyang kayamanan sa pagbili ng mga kulukuting ito at inubos ang walumpung taon sa pagngata ng mga dasal!

--Urong!--anang Amang Walang Hanggan --ito, ano ang maaaring malaman nito tungkol sa Pilipinas?

--Ito naman--ani San Juan--ay isang ulo ng balangay na namatay sa bilangguan dahil sa utang.

--At ano ang nalalaman niya tungkol sa bansa?--ang tanong ng Amang Walang Hanggan.

Ang kura, Panginoon, ang mga talaan ng mga mamamayan, Panginoon, ang kura, ang mga talaan ng mga mamamayan, ang talaan ng mga mamamayan, ang kura,…--ang pautal-utal na wika ng sawimpalad.

--Ilayo siya--ang wika niyang nagbubuntung-hininga.

--Ito'y isang manananggol na naghawak ng mataas na tungkulin sa bansa, dahil sa siya'y naglingkod na mabuti sa mga prayle.

--Tingnan natin, magsalita ang manananggol!

Ang manananggol ay isang lalaking pandak at malaki ang tiyan; nagsimulang lumakad na ang bigat ng katawan ay ibinubunto sa isang paa at pagkatapos ay sa kabila, umubu-ubo nang hindi makabigkas kahit isang kataga at sa wakas ay nagdidighay. Hindi na nakapagpigil ang mga birhen at mga anghelito at ibinulalas ang napakataginting na halakhakan.

--Katahimikan--anang Amang Walang Hanggan--tayo na, magsalita kayo, dito'y nasa piling kayo ng mga kaibigan, magtiwala kayo.

Nang marinig ng lalaki ang magigiliw na pangungusap na ito, siya'y nagsimulang umiyak at dahil dito'y pinaurong siya. Madalas na hinaplos-haplos ng Amang Walang Hanggan ang kanyang balbas.

--Ang sumunod ay may kabantugan sa pagiging pinakamatalas ang isip noong kapanahunan niya, lagi na siyang nanungkulan, naging hukom, gobernador, patnugot at iba pa.

--Hala, tayo na, magsabi ka sa amin tungkol sa Pilipinas sapagka't ninanais kong ako'y maliwanagan.

--A! ninanais ba ng Inyong Maharlikang Kadiyusan na kayo'y maliwanagan? Kung gayo'y tumungo kayo sa mga prayle, sumangguni kayo sa mga prayle, kumapit kayo sa mga prayle, maglangis kayo sa mga prayle, pumanig kayo sa lapian ng mga prayle, magbigay katuwiran kayo sa mga prayle…

--Kung gayo'y pabalikin siya sa mga prayle-- ang utos ng Kanyang Maharlikang Kadiyusan na nag-anyong galit.

Ang lalaki'y sinunggaban ni San Miguel, sinipa sa isang bahagi ng katawan, at parang lumilipad na patungo sa lupa at pagdating dito ay naging isang bangang luwad at humantong sa silid ng mga maysakit ng isang kumbento.

--Bakit pinabayaang makapasok ang ganyang mga nilikha sa aking kaharian nang hindi muna nalilinis? Ano ang ginagawa ni Pedro--anang Amang Walang Hanggang nagpamalas ng mga tanda ng matinding pagkayamot.

Iniharap ni San Juan ang isang matandang lalaking nagpauna nang buong kakisigan.

--Ito po'y isa sa mga ibong lalong matataba sa Pilipinas--ani San Juan--sa buong buhay niya'y naging prayle...

--Aha! Ito pala'y isang prayle!--ang ibinulalas ng Amang Walang Hanggan, na tumingin na may pananabik sa matanda--tingnan nga natin kung paano magpaliwanag ang prayle. Hala, magsalita kayo.

--Kung gayon, Panginoon, dito, na inyong kinakikitaan sa akin-- anang matanda--ako'y isang kababalaghan; pinaunlad ko ang bansa sa pagsisikap na makuha ko ang lahat ng salaping makukuha ko. Pinabahaan ko ang lupa ng mga "pastoral" na hindi binasa; umawit ako ng mga "Te Deum", awit ng pasasalamat, sa paniniwalang natapos na ang mga lindol ay nagsimula uli; binatbat ko ng mg indulhensiya ang mga hangal na aklat upang ang mga ito'y maging lalong kagalang-galang, at ang baya'y lalo pang tumawa; nagpagawa ako ng mga sasakyang pandigma sa pamamagitan ng salapi ng bayan upang maipagsanggalang ang bansa laban sa mga di-binyagan at ang mga sasakyang pandigmang ito'y nasamsam ng mga di-binyagan at ang salapi'y hindi na nakita ninuman. Sa wakas ay pinaligaya ko ang Pilipinas, pinatawa ko siya, pinatawa't pinatawa at hanggang ngayo'y tumatawa pa marahil.

--Kung gayo'y hindi tunay ang karalitaang nakikita ko…

--Ano bang tunay!, hindi, Panginoon, doo'y walang karalitaan!

Noong ako'y mamatay ay nakapag-iwan ako sa bawa't tagapagmana: dalawa o tatlo sa bawa't bayang kinaroonan ko! Karalitaan aba, wala po niyan, Panginoon. Itanong ng Inyong Maharlikang Kadiyusan sa lahat ng mga prayleng ito; nakikita ba ninyo kung gaano sila katataba at kapupula? Mangyari'y kararating lamang nila buhat sa Pilipinas; nakita na ng Inyong Maharlikang Kadiyusan na ang lahat doon ay kasaganaan!

--Humayo kayo!umalis kayo sa aking harap!--ang sigaw ng Amang Walang Hanggan nang mamalas ang gayon kalaking kawalang-hiyaa't kahangalan; umalis kayo, at baka pumutok ang aking galit at papagbalikin ko kayo sa lupa at gawing mga hayop na karumal-dumal!

Nagsiyaong nalilito ang mga pilipino; ang ilan ay malabis na nagdamdam, sa dahilang sa kanila'y may makapagsasaysay ng ilang bagay na matino at may kabuluhan tungkol sa Pilipinas. Datapuwa't sila'y nasa dakong huli ay walang sinumang nakapag-akalang sila'y naroroon!

Pagkaraan ng ilang saglit na pagwawari-wari, ang Amang Walang Hanggan ay nagsalita, sa mabalasik na tinig, kay Hesus:

--Yamang sa iyong ngalan ay ginagawa roon sa lupa ang kapuot-poot na kawalang matuwid ay kinakailangang manaog ka, pag-aralan mo ang kasamaan at ipagbigay-alam mo sa akin kung ano ang nangyayari upang malunasan ko.

--Makikipiling akong muli sa mga pariseo?--ang tanong ni Hesus na namutla.

--Oo sa piling nila uli! Kung iniwan mo sanang nakasulat ang mga batas at mga pangungusap mo, kung ikaw sana'y nagpahayag nang lalong maliwanag at tandisan, disi'y hindi ka dinaya ng iyong mga mananalaysay, hindi sana binago ang kahulugan ng iyong mga aral at hindi sana pinagmalabisan ang iyong kapangyarihan! Gaanong mga pagtatalo, gaanong mga pagkakaalitan, gaanong mga digmaan at mga pag-uusig ang sana'y natipid mo sa sangkatauhan at kay bilis sana ng kanyang pagkakaunlad!

Iniyuko ni Hesus ang ulo at nagbulalas ng isang buntung-hininga.

--Nguni't wala kang dapat ikatakot--ang may katamisang dugtong ng Amang Walang Hanggan:--ngayon ay lalayo sa iyo ang kalis ng pasakit, sapagka't sa dahilang lalo kang magiging maingat ngayon sa pagkagunita sa nakaraan, ay sisikapin mong dumaan nang hindi napapansin at iiwasan mo hanggang maaari ang pagkakalapit sa mga pariseo at eskribas. Hindi na kakailanganing ipanganak ka ng isang inang birhen , bagay na maahirap mangyari doon, sapagka't ayon sa sabi'y isang kasalanan daw ang magkait ng tungkulin sa asawa…Hindi na rin kailangang pugutan ng ulo ang labing-apat na libo, bagkus nararapat dumating ka roon nang buo na ang pagkatao, may gulang na at ganap nang tao, sapagka't kung ikaw ay ipanganganak doon at doon ka mag-aaral ay lalaki kang mangmang, magiging timawa at mahihirapan ako nang gayon na lamang upang ikaw ay mapatino. Buong ingat na iwasan mo ang pakikipagtalo sa mga pantas sa kanilang batas, sa dahilang walang salang hindi ka nila pahihintulutang makaalis nang buhay, at ikaw ay tatawaging pilibustero; iadya ka nawa ng Diyos sa pagpapaalis sa templo sa mga nagtitinda't mga mangangalakal, sapagka't ikawa ay isusuplong at isasakdal, at higit sa lahat ay magpakaingat kang huwag tumawag ng ahas at lahi ng mga ulupong sa libu-libong pariseong matatagpuan mo roon. Hayo na, pumanaog ka na nga,--alang-alang sa pag-ibig sa sangkatauhan, alang-alang sa kabunyian ng iyong ngalan, at upang huwag makasama sa mga tao ang pagpapakahirap na tiniis mo, maging matiisin ka, maging mabait ka, maging mapagmatyag ka!

At ang Walang Hanggang ay bumaling kay San Pedro, na kararating lamang, at nagsabi sa kanya:

--At ikaw, sa dahilang pinabayaan mong makapasok sa kaharian ko ang napakaraming mga tulala at walng kaluluwa na nangangailangan muna ng mga dantaon ng paglilinis at pagdurusa dahil sa kasalanan, sa dahilang naging pabaya ka sa pagbabantay sa pintuan, ikaw ay babalik sa lupa.

Napasigaw si San Pedro at nanikluhod.

--Nguni't Panginoon, ako po'y abalang-abala sa pagtatala ng mga indulhensiya!--anyang pinagdaop ang mga palad.

--Babalik ka sa lupa at sasamahan mo si Hesus sa kanyang pangingibang bayan --ang patuloy na nagmamatigas ng Walang Hanggan. --Pinahintulutan mong mag-iwan ng iyong mga kahalili sa lupa, na nangagpapanggap na mga kahalili ni Hesus; kaya nararapat, kung gayon, na ikaw ay paroong kasama niya sapagka't sa ngalan ninyo'y ginagawa roon ang lahat ng pagmamalabis!

Walang nagawa ang dalawa maliban sa itungo ang ulo at pagkatapos na matanggap ang bendisyong maka-ama, ay malungkot na nagsilayo.

--Panginoon--ani San Pedrong tumatangis kay Hesus--ngayo'y hindi na tayo makaliligtas! Wala kayong kaalaman kung paano inaayos ang mga bagay-bagay sa Pilipinas, ako po'y oo, mayroon akong balita. Kung bagaman si Pilato'y naghinaw pa ng kamay, datapuwa't sa Pilipinas, ang mga kamay ay sadyang dinurumhan. Nang kayo'y ipako ng mga hudiyo sa kurus, ay hindi nila inusig ni ang inyong ina, ni ang inyong mga kamag-anak, ni kahit na ang inyong mga alagad nguni't, Guro, sa Pilipinas, naku! Sa Pilipinas…! Doon sa Hudea, noong kayo'y nagpapasan na ng kurus ay nagpamalas pa sa inyo ng habag ang mga babae, datapuwa't sa Pilipinas, hindi pa kayo isinusuplong ay itinatakwil na kayo upang sila'y huwag maging kahina-hinala! Sa aba ko! Ay! ay!

--Tapang, Pedro, tapang! Tayo ang may sala. Iniwan mo ang mga susi roon sa lupa, at ako nama'y gumawa ng isang paglalaro ng mga salita tungkol sa iyong ngalan nang itatag ko ang aking iglesiya, at ito'y magtuturo sa aking huwag gumamit ng anumang calambours (kamusmusan) kapag ang pinag-uusapa'y mabibigat at mahahalagang bagay!

IV

Habang nalalapit sila sa lupa'y lalo't laong nagiging malungkot at mapag-isip si Hesus. Ang kanyang pagmumukhang lalaki'y nababalot ng hapis at masasabing ang gabi'y bumababa sa kanyang mukha. Ang lupang yaong naging sanhi ng pagbububo ng kanyang dugo upang mapangaralan ng pag-ibig ay natagpuan niyang nagugumon sa gayon ding kasamaang asal na gaya ng dati at kaipala'y lalo pang masahol; pagtangis, pagluluksa't kawalang-pag-asa sa isang dako; mga mapag-imbot na halakhak at masasayang panlalait sa kabilang dako; at saanmang dako, ang sangkatauhang kaaba-aba't walang kasiyahan na pinaghihirap ng di-matapos na damdamin. Gaya ng dati, ang maralita'y inaapi ng masalapi; ang mahina'y supil ng malakas; mga batas para sa mga dukha, mga tungkulin para sa mga taong nagdarahop; datapuwa't para sa mga mayayaman, para sa mga makapangyarihan, ay mga karapatan at mga tanging biyaya. Sa ibabaw ng karagatang ito ng kaabaan at luha ay nakita niyang lumilitaw na parang mga di-karaniwang pulo ang mangilan-ngilang mukhang nakangiti at tahimik, na buong pagkahapis na lilingus-lingos sa kanilang paligid, nguni't ang mga alon sa paligid-ligid ay umaangal na nagngangalit, nagpapatilamsik sa kanila ng mga bulang mapapait, sa kanila'y nagpaparusa, nanlalait, dumurusta at sa gitna ng pagsisigawan ay naririnig ni Hesus na sinasambit ang Kanyang pangalan.

--Kakila-kilabot!--ang sigaw ni Hesus na nagtakip ng kanyang mukha.--kakila-kilabot! Kay raming mga pagdurusang walang kabuluhan, kay raming pagpapakahirap na walang kasaysayan…Lalo pa sanang naging kapaki-pakinabang kung ang sangkatauha'y pinabayaan kong tumubos sa kanyang sarili, sa pamamagitan ng paglinang ng kanyang mga katutubong lakas at ng maliliwanag na titis na ipinagkaloob ng Walang Hanggan! Sapagka't kung nakaya ng taong tuklasin ang napakalalalim na lihim sa madilim na sinapununan ng kalikasan at ipahayag ang maka-diyos na batas nito, sa anong dahilan at hindi niya matutuklasan at mapagniningning ang binhi ng mabuting kaasalang itinanim ng Diyos sa kanyang budhi at puso? Lalo pa bang madali ang pagsisiyasat sa mga kakanyahan ng metal na nakabaon sa pusod ng lupa kaysa mga kahingian ng budhing nakikipag-usap sa atin sa lahat ng oras? Ano ang kinahinatnan ng aking ginawa, ng aking pagpapakasakit at kamatayan? Kaya ba ako nagtiis ay upang ang ngalan ko'y magpatibay sa kawalang matuwid, uminis sa mga budhi't magpadilim sa pang-unawa?

Halos hindi makasunod si San Pedro sa kanyang Guro.

--Panginoon, anya-- tayo'y nalalapit na…nguni't ano ang nagyayari sa inyo, Guro, at ang inyong noo'y puno ng dugo? Tumatangis kayo at ang inyong mga luha'y dugo…Masasabing kayo'y muling nasa Hetsemani.

Malungkot na umiling si Hesus.

--Harinawang wala akong ibang damdamin kundi ang mga hinagpis ng kamatayan-- ang kanyang tugon.--Makalilibo pang mamabutihin ko ang kamatayan, ang libu-libong Hetsemani kaysa pasakit na nagpapahirap sa akin ngayon. Kapag ang isa'y namamatay alang-alang sa pag-ibig o sa pananalig na sa kanyang pagkamatay ay makagagawa ng isang kabutihan , ang kamatayang iya'y nagiging isang kaligayahan. Datapuwa't kapag ang kasunod ng kamatayan, kassunod ng mga paghihirap ay dumarating ang pagkabigo…ay! na hindi ko magawang ako'y mauwi ngayon sa wala, magkaluray-luray ang aking sarili, mawasak ang aking budhi upang huwag nang makita ang mapanirang bunga ng aking ginawa. Naparito ako sa lupa na parang liwanag, at kinasangkapan ako ng tao upang yao'y balutin ng karimlan; Naparito ako upang aliwin ang mga dukha, at ang aking relihiyo'y may mga biyaya't pagtingin lamang sa mayayaman; Naparito ako upang iguho ang pamahiin at sa aking ngalan ay sinupil at inatasan ang mga lalawigan, kaharian, lupalop, at mga lipi'y inalipin at napawi. Naparito ako upang ipangaral ang pag-ibig, at sa aking ngalan, dahil sa walang kabuluhang pagtatangi-tangi, dahil sa pagdudunung-dunungan ng mga tamad, ang mga tao'y naglalaban-laban at pinuno ang lupa ng kamatayan at pagkakawasak, at pinapaging banal ang katalampasanan sa pamamagitan ng kabantugan ng kadiyusan! Kakila-kilabot, katawa-tawa, kamaliang walang kasinglaki, kagulat-gulat na paghamak!

At tumangis si Hesus nang buong pait at kadalamhatian.

--Kung matuwid --ang kanyang idinugtong-- kung katungkulan kong tubusin muli ang sangkatauhan sa banging kinahuhulugan niya, at ako'y magtiis ng makalilibong kamatayang lalo pang malupit kaysa naging kamatayan ko, hindi ako dapat matakot…Lumayo ka sindak; sukat na ang pagkatakot; ngayo'y hindi ang pag-ibig lamang, kundi ang pag-ibig, ang tungkulin at ang katuwiran ang siyang magbubunsod sa akin sa pagpapakasakit…!

--Ano po, Panginoon, iniisip ba ninyong papakong muli sa kurus?--ang tanong ni Pedrong nanginginig.

Si Hesus na walang hinaharap kundi ang kanyang pagninilay-nilay ay hindi sumagot. Malapit na sila sa Pilipinas, nababanaagan na nila ang matataas na bundok na nakaputong sa mga pulong namumukod sa ibabaw na kumikinang na tubig, na kumikislap sa tama ng mga liwanag ng bituin; sa malayo'y natatanaw nila ang namumula-mulang palong ng isang bulkan na parang isang bahid ng dugo sa ibabaw ng sawimpalad na lupang yaon. Sa dakong Silanganan ay nagsisimula nang sumungaw ang banaag na tagapagpahiwatig ng bukang-liwayway.

Si San Pedro, na nababalisa sa hawig na tinutungo ng mga pasiya ng kanyang guro, ay nasisindak sa pagpasok sa Pilipinas, kaya't sinamantala ang pagkakataong dumaraan sila sa isang pulong hindi nauukol sa kapuluan, at nagsabi kay Hesus:

--Guro, tila nararapat tumigil muna tayo sa pulong ito upang makapaghanda at tumalaga sa mapanganib na paglalakbay na ito. Kinakailangang malaman muna natin ang kalagayan ng labangang iyan, at gaya nang kayo'y mag-ayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi bago makiharap sa mga hudiyo, ay magparaan muna tayo rito ng tatlong buwan sa dahilang para sa mga pilipino, ang lahat ng pag-iingat ay kakaunti.

Binalak ni San Pedrong libangin ang kanyang guro o maipagpaliban man lamang kaya ang pagpasok sa Pilipinas. Si Hesus, na ang buong pinagkakaabalaha'y ang kanyang pagninilay-nilay ay nagpabayang siya'y akayin ni San Pedro, na nagsamantala sa pagkakatong ito upang dalhin ang kanyang guro sa nasabing pulo at sila'y bumaba sa isang ilang na pook na di-lubhang malayo sa kabayanan. Gumuguhit na ang bukang liwayway at ang mga bagay-bagay ay nagsisimula nang mapagmalas-malas, mapuputi, parisukat na maraming durungawang parang mga bahay-kalapating pinagbai-baitang sa paa ng bundok na siyang bumubuo ng pulo.

Yamang kinakailangang hubdin nila ang mga kautusang makalangit para sa paglalakbay na isasagawa, ginamit ni Hesus ang kanyang talino, upang ang kanyang balabal ay magawang isang ternong matingkad na bughaw, na may wastong tabas bagama't di naman sunod sa mga kautusan ng moda. Inahit ang kanyang balbas, pinutol ang buhok na mahaba, at upang magkaroon ng lalong pagkahawig pilipino, ay inihukot ng bahagya ang katawan na parang isang taong nahirati na sa pagsunod at pamanginoon. Kung siya'y makikita sa gayong pagbabagong anyo ay masisinungalingan, kahit na ang di-pagkakamali ng papa, at ang pinakamabuting maaakala sa kanya'y isang pilipinong buhat sa isang mabuting angkan na naglalakbay upang magliwaliw.

Sa ganang kanya naman, inakala ni San Pedro na sa dahilang narinig niya sa langit na ang mga insik ay siyang lalong mabuti ang kabuhayan sa Pilipinas, ay inakala niyang lalong mabuti at kapaki-pakinabang na siya'y tumulad sa insik, at gayon nga ang hiniling niya sa Guro; nguni't naging napakasaliwa ang kanyang palad, sa dahilang siya'y upaw at mangilan-ngilan lamang ang natitirang buhok na hindi matitirintas, kaya't siya'y nagmukhang insik na panot. Nag-iwan ng ilang buhok upang gawing bigote; ang kanyang balabal ay ginawang salawal na maluwang at ang kanyang balabal ay ginawang barong insik; sa ganito, ang asta niya'y naging lubhang kakatuwa, na kung di sa malabis na kapormalan ni Hesus ay napahalakhak na sana.

Pumasok sila sa lungsod na nagsisimula nang sumigla. Ang mga bagay ay nagigising na at ang mga lansangan ay napupuno na ng mga utusan, manggagawa, mamamangka, mandaragat na ang karamiha'y mga insik. Nabatid ni San Pedro, na dahil sa kanyang kasuutan at tinirintas ay nagkaroon ng biyayang makapagsalita ng insik, na sila'y nasa isang daungang insik na tinatawag na Biktoria dahil sa ito'y pinamamahalaan ng mga kampon ng reyna ng Inglatera.

--Masama ang ating binabaan--ani San Pedro--tayo'y nasa bansa ng mga insik, at bukod dito'y pinamamahalaan ng mga protestante.

At idinugtong pa sa kanyang sarili--Iniwasan namin ang ulan at kami'y lumagpak sa dagat.

At si San Pedro na lubhang nahahapis at nababalisa hinggil sa kanyang kapalaran, ay lumalakad na sa kanyang loob ay tinutungayaw ang kanyang naisipang pagpanaog sa pulong yaon. Ang Pilipinas, bansa ng mga kristiyano, ay nakikilala na niya, at kahit na maging masama ay lalong mabuti na ito kaysa mabuting kikilalanin pa.

Si Hesus, na lumilingap-lingap sa lahat ng dako na parang may hinahanap, ay nakapansin ng ilang malalaking gusaling magkakawangis, iisang anyo ang pagkakayari, at inakala niyang ang mga yao'y mga pagamutan marahilo kaya'y isang gusaling bayan sa pagkakawang-gawa, datapuwa't sinabi ni San Pedro, na may masamang pagkakakilala sa mga ingles at insik, na marahil ay mga kuwartel iyon; inakala niyang hindi mangyayaring makagawa ng ibang bagay ang mga taong iyong walang pananampalataya. At upang malutas ang kanyang pag-aalinlangan, ay lumapit sila sa isang binata, na mukhang mestiso, at nagtanong:

--Sa mga paleng dominiko!--ang tugon ng binata.

--Sa mga paring dominiko!--ang namamanghang ulit ni San Pedro--Guro, ang mga bahay na ito'y pag-aari ng mga anak ni Domingo.

Nakatungangang pinanood nilang dalawaang gayon karaming mga bahay, at namangha sila sa kainaman ng mga ito.

--Si Domingo, na nagpapaniwala sa ating ang mga anak niya'y may panata ng pagpapakarukha!--ang ulit ni San Pedro.

--Huwag kang magtaka, Pedro-- ani Hesus--Kung ako'y hindi nagkakamali, sila'y may mga misyon sa Tsina; marahil ang gawai'y napakalaki at kinakailangang tumira rito ang libu-libong misyonero upang mapapaging Kristiyano ang mga tagarito.

Nagpatuloy sila ng paglakad, at nakita nila ang isa pang mahabang hanay ng mga bahay, na hindi man malalaki, ay mabuti naman ang pagkakayari.

--Walang salang ang mga ito'y siyang mga kuwartel--ang sabi sa sarili ni San Pedro, at nagtanong sa isang tao kung ang mga bahay na yao'y mga kuwartel nga.

--Sa mga paleng dominiko! --ang tugon ng pinagtanungan.

--Aba!--ang bulalas ni San Pedro--at yaong mga natatanaw ko sa dako roon, na ang kulay ay puti't pula?

--Sa mga pali lin! Lahat-lahat ito sa pali -- ang isinagot ng taong nagkukumpas at itinuturo ang maraming lansangan. --Mga pali malaming bahay lito sa laang ito, sa laang yan at sa iba pang laang.

--Aha! Aha! Kung gayo'y maraming dominiko rito.

--Hini, dalawa lang.

--Dalawa lamang? At sinu-sino ang tumitira sa mga bahay na iyan?

--Mga insik.

--Ang mga insik?, mga kristiyano sila, hindi ba?

--Hini!

--Paano? ang mga insik na hindi binyagan ay nakatira sa mga bahay na ipinatayo ng mga katolikong dominiko?

--Oo, insik mayad-mayad mabuti sa mga paling dominiko, malaming pela at malaming milyon sa mga bangko at aksiyong…

--At paano silang naging napakayaman? Masipag ba sila sa paggawa, nagbubungkal ba sila ng bukid? Sila ba'y nag-aabala sa industriya?

--Hini!

--At saan sila kumuha ng napakaraming salapi upang makapagpatayo ng napakaraming bahay?

--Sa Pilipinas. Migay-migay sa kanila ang mga indiyo ng malaming salapi!

--Kung gayo'y ang mga indiyo sa Pilipinas ay napakayayaman?

--Hini, totoo pulubi! Tila sila sa maliit na kubo.

--Pulubi, kung gayo'y hindi ko nauunawaan! At ang mga Dominiko'y nagpapatayo ng mga bahay para sa mga insik na hindi binyagan sa pamamagitan ng salapi ng Pilipinas, samantalang sa Pilipinas ang mga kristiyano'y nakatira sa mga abang kubo.

--Oo.

Lumapit si San Pedro sakanyang Guro upang ipagbigay alam ang kanyang mga pag-aalinlangan, nguni't ito'y nakita niyang nagninilay-nilay nang napakalalim.

Natatanaw ni Hesus, buhat sa pook na kanyang kinaroroonan ang patyo ng isang malaking gusaling nasa malayo. Doo'y maraming taong nakabihis nang magkakaparis at ang kanilang ginagawa'y angatin at ilagpak sa lupa ang ilang bolang tila may kabigatan. Mayroong isang wari'y namamatnugot sa gayong gawain.

--Yao'y isang bilangguan--ang wika sa ingles ng isang taong pinagtanungan ni Hesus.--Doon dinadala ang mga naparusahan, ang mga magnanakaw, mga manghuhuwad, mga mandarahas, mga mamamatay tao. Yaong nakita ninyo'y isa sa mga gawaing ipinarusa sa kanila; may ilan pang ibang gawain, gaya ng gawin ang himaymay ng abaka, paikutin ang isang gulong, at iba pa.

--At ang mga sawimpalad na iyo'y mga di-binyagan bang lahat?

--Hindi, sa kanila'y may mga kristiyano, mayroon ding mga ingles, sapagka't dito'y walang pagtatangi-tanging ginagawa sa mga salarin: doo'y may mga taong nagsipaghawak ng matataas na tungkulin sa mga bayang sakop natin.

--At ang inyong karangalan--ang tanong ni San Pedro--hindi ba kayo marunong mag-ingat ng inyong karangalan, gaya ng mga kastila sa Pilipinas?

--Ang aming karangalan ay wala sa aming pagmumukha kundi nasa aming tuntunin ng mabuting-asal--ang itinugon ng insikna hindi man lamang minarapat na tumingin kay San Pedrong nakabihis insik.

Sumang-ayon si San Pedro na sa anu't anuma'y maaaring magkaroon ng katuwiran ang ingles sa lalong pagpapahalaga sa karangalang nababatay sa kabutihang-asal kaysa sa kabunyiang nababatay sa lahi, daatapuwa't sinabi niyang lubhang ipinagmamayabang at lubhang ipinangangalandakan ng ingles ang kanyang pamamaraan, at nararapat na iyo'y makilala nang lalong mabuti ng mga pilipino sa dahilang, una, ang mga ito'y mga katoliko at ikalawa, dahilang doo'y nagtatamasa siya ng sapat na kabunyian.

Nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad at pagmamatyag at napansin ni San Pedro, sa malaki niyang pagtataka, na bagama't sila'y nasa bansa ng mga di-binyagan, ay maaaring makapaglakad nang walang panganib; walang mga karwaheng sumasagasa sa mga naglalakad; ang mga ingles ay hindi namamaslang sa mga insik; ang mga pulis ay hindi nagnanakaw sa mga maralita ni gumagambala sa mga ito, at kung may sinumang pagkayaman-yaman at pinagpipitaganan , na nagmalabis sa isang aba, siya'y dinadala sa isang hukuman, doo'y hinahatulan sa loob ng ilang sandali't walang maraming kasulatan, at hindi pinagugugol ang nagsusumbong, hindi siya pinagyayao't dito sa iba't ibang tanggapan, hindi pinag-aaksaya ng panahon upang ang kalabasan ay bukod pa sa paluin ay maging biktima pa ng kung mga anu-anong takda ng pangasiwaan. Kaya't si San Pedro, na tinatakasan na ng kanyang pangamba, ay sumasang-ayon na sa pamamahala sa pulong iyon, at nagnanasang manirahan nang patuluyan doon kaysa paroon sa Pilipinas, at dahil dito'y maamo niyang iminungkahi kay Hesus na Panginoon natin.

--Guro, hindi ba lalong mabuting tayo'y manuluyan sa isang bahay dito upang kayo'y makapagparaan ng apatnapung araw na pag-aayuno?

--Bakit mag-aayuno?--ang itinugon ni Hesus na nakahula sa binabalak ni Pedro. --Kinakailangan ko ang lahat ng lakas ng aking katawan at kaluluwa, kinakailangan kong ang aking buong pagkatao'y mag-angkin ng ganap na kaayusan upang makipagbaka sa kahirapan ng ating layunin…Bakit mag-aayuno? Ang aking katawan, na ipinaglihi n g walang bahid na kasalanan, ay hindi kaaway ng aking kaluluwa upang siya'y aking panlupaypayin.

Naunawaan ni San Pedro ang pagkamatuwiran ng tugon.

--Gayon pa man, Guro--ang pakli niya--hindi kalabisan na tayo'y tumigil muna dito upang mapag-aralan ang kalagayan ng bansang dadalawin natin. Maaari tayong makituloy sa mga dominiko, na marami ang bahay, sapagka't ayon sa aking nakikita, ang parang dito'y hindi maaaring tirhan.

Sumang-ayon si Hesus sa panukala ni San Pedro, at matapos na maipagtanong kung saan nakatira ang mga dominiko, ay tumungo sila roon.

--Marikit na gusali!--ang bulalas ni San Pedro, nang makita niya ang kumbento o palasyong ginagamit na pinakatanggapan ng dalawang prayle--Natitiyak ko, Guro, na tayo'y patutuluyin dito nang walang bayad, at tayo'y pakikitunguhan na parang mga kapatid.

Sa kasawiampalad ay dumating sila sa isang napakasamang pagkakataon. Ang prayleng prokurador ay natalo nang araw na iyon ng isang pilipino sa isang usaping ang naging sanhi'y isang maliit na suliranin tungkol sa sahod na ayaw bayaran ng dominiko; inakala nito na mapapanaig ang kanyang nais kung kakasangkapanin niya ang kayamanan ng kanyang orden, at ang usapi'y nakarating sa matataas na huhuman ng bansa bagay na nagbigay ng malaking alingasngas. Datapuwa't hindi natakot ang mga hukom na ingles, at naggawad sila ng katarungan; at ang dakilang prayle'y hinatulang magbayad ng utang niya, ayon sa batas at sa karapatan.

Dahil dito'y may sumpong siya nang araw na iyon, at nang ipagbigay-alam sa kanya ng utusan ang mga dalaw at ang layunin ng mga ito, sa pag-aakalang ang mga dalaw ay pilipino, ay ipinagtabuyan sila ng buong paghamak, at sinabing ang tanggapan ng Prokurador ay hindi natatalaga para sa mga pulubi, at kung sila'y walang maibabayad sa isang bahay ay manatili sila sa lansangan. Hindi maparam kay San Pedro ang kanyang pagtataka; hindi mapag-alinlangang lahat ay lumalabas nang pabaligtad; inakala niyang masama ang lungsod at ito'y natagpuan niyang malaya; inakala niyang magandang loob sa pagtanggap sa nanunuluyan ang mga prayle at ito'y natagpuan niyang malulupit at maramot. Si Hesus naman ay nalulungkot lamang at lalong malalim ang pagbubulay-bulay.

Silang dalawa'y nagtungo sa isang otel at doon sila nanuluyan, at habang naghihintay ng isang sasakyang-dagat na patungo sa Pilipinas, sa halip na magparaan ng mga araw sa isang ilang o sa pag-iisa, at sa dahilang nararapat silang mamuhay sa gitna ng mga buhay at ng mga baya't lungsod, ang hinarap nila'y ang pag-aaral ng mga kaugalian sa lupa, at naglakad sila araw-araw sa mga lansangan at kumuha ng mga mahahalagang tala:

Nagkataong sa lungsod ng Biktoriya, ay napag-alamang may isang dayuhang mahiwaga, kaipala'y isang anak ng mga raha na naglalakbay nang di-napakilala, na naroroon sa kabayanan at gumagawa ng isang pag-aaral at kumukuha ng mga tala, upang pagkatapos ay tumungo sa Kapuluang Pilipinas at pag-aralan angbayang iyon. Ang balita'y nakatawag ng kalooban ng mga naninirahan sa Biktoriya na may kinalaman sa Kapuluan, lalo na ng mga korporasyon ng mga prayleng may malalaking pag-aari roon at ninanais nilang mapanatili, anuman ang mangyari, ang kanilang mabuting pangalang pinag-aalinlanganan at sa maraming pangyayari'y napanganyaya.

Sa gayon, ang nangyari isang umaga, samantlang si Hesus ay nagdidilidili sa kanyang silid sa otel ay tumanggap siya ng pagdalaw ng isang maginoong may kilos na lubhang malumanay, mga salitang napakatamis at magalangin sa bawa't hakbang.

--Ipagpaumanhin ninyo--ang sabi ng di-kilala--na ako'y humarap sa inyo sa ganitong ayos at marahil ay makagambala sa inyo, nguni't narinig kong binabalak ninyong pasa Pilipinas upang makapagliwaliw…upang mapag-aralan iyon marahil…sanhi marahil sa isang utos ng pamahalaan…o marahil ay upang sumulat ng isang aklat…

Ang di-kilala'y ngumingiti, nguni't si Hesus ay nagpapailing-iling ng kanyang ulo sa anyong alanganin, na anupa't hindi naaring maunawaan ng di-kilala ang bagay na binabalak gawin ng manlalakbay.

--Yamang nakikilala namin ang bansa-- ang patuloy ng di-kilala at kami'y maraming kaibigan at kapanalig doon…kami…………………….ay iyong kabutihan!

--At ikaw, o Maykapal, natalong Diyos ng aking mga ninunong mangmang, ikaw na tumakas dahil sa karuwagan nang dumating ang mga agustino't ibang prayle, ikaw ay pinasasalamatan ko dahil sa mga matipunong kalamnang ipinagkaloob mo sa akin upang ipagdiwang ang mga kaiga-igayang bagay na nilikha ng Diyos ng mga malalakas, ang iyong panginoo't mananalo! Ang mga ninuno ko'y hindi naging matapat sa iyo, nguni't ngayon ay naipaghiganti ka na sa kanilang karuwaga't kapabayaan! Kung ikaw ay maaaring makakuha ng pasaporte at ninanasa mong dumalaw sa dati mong kaharian , iyan ay gawin mo at ikaw ay makakakita ng mga bagay na lubhang hindi pangkaraniwan. Ang Tikbalang at ang Tiyanak, ang mga dati mong kasama, ay naroroon pa at kami na rin ay hindi nakaunlad kahit na isang hakbang sa relihiyon; makikilala mo agad ang mga apo ng mga sumasamba sa iyo, at kung ikaw ay may bahagyang pagkatuso at ninanasa mong gumawa ng mga kababalaghan, ay maaari mong matamong muli ang iyong kaharian. Maykapal, Maykapal, Diyos na walang kaya't walang kabuluhan, patigilin mo ang aking pagtawa, isauli mo sa akin ang pagtangis!

--Masama ang aking pagkasimula--ani San Pedro.

Sa dahilang ang karamihan ng mga bahay ay pag-aari ng mga dominiko, inakala nilang walang kabuluhang pagpapagod ang paghanap ng matitirhan at ipinasiya nilang sumakay na patungong Pilipinas.

--Bakit mo kami hinihingan ng pasaporte? --ani Skunuk (Schuch) --ako'y isang Pilipino, at upang makabalik sa Pilipinas ay nangangailangan pa ba ako ng pasaporte? Kailan pa naging kailangang humingi ng kapahintulutan ang isang tao upang makapasok sa sarili niyang bahay?

Sinabi ng Kapitan na yao'y ipinag-uutos ng pamahalaan at kailangang humingi ng pasaporte ang ating mga manlalakbay: ang naging halaga nito kay Skunuk at tatlong piso't isang salapi, at kay San Pedro, sa dahilang ito'y insik, ay labing-anim na piso. Hindi magkasiya sa galit si San Pedro.

--Guro, hindi ganito ang daigdig ng kapanahunan natin! Noon ay lalong maykalayaan, higit na pagkakapatiran sa mga bayan-bayan! Hindi ba sinabi ninyong silang lahat ay pawang anak ng iyong ama?

--Siyang tunay, Pedro, sinabi ko nga ang gayon nang paulit-ulit, at maanong hindi ko sinabi iyon kailanman! Yao'y inuulit ngayon ng ilan, nguni't ang lalong mabuti'y itangi ang iba.

--Masama ang simula ng ating paglalakbay, Guro, masamang pasimula!--- ang bulong ni San Pedro habang sumasakay sa bapor.

Isang magandang umaga nang sila'y pumasok sa look ng Maynila.

Si San Pedrong nalula ng gayon na lamang sa paglalayag ay hindi magkasiya sa tuwa nang magunitang sa wakas ay aahon na sila buhat sa sasakyan. Ang dagat ng Tsina'y ibang iba sa nakita niya sa Galilea. Hindi minarapat ng kanyang Guro na gumawa ng anumang himala upang patahimikin ang mga alon.

Kaya nang mabanaagan ang lungsod buhat sa malayo ay naging matabil siya at kipkip ng isang bisig ang isang manok na tataliin ay ginagambala ang lahat sa kung anu-anong itinatanong.

--Anong gusali iyong natatanaw natin sa kaliwa, may dalawang tore na parang kuta, gaya ng sa mga kastilyo ng peudalismo, o ng taguan ng mga tulisan sa Samarya?

--Ang simbahan ng Santo Domingo!--ang tugon ng marino. Halos nabitiwan ni San Pedro ang kanyang manok.

--Simbahan! Santo Domingo!--ang ulit niyang namamangha--si Domingo'y nagsasa-panginoong puedal dito, at kami sa langit ay naniwala pa namang siya'y napaka…Walang pag-aalinlangang marami siyang kayamanang itinatago roon!

--Marami? Ba, tao pala kayo!-- ang itinugon ng marino--Sila'y hindi napakahangal na iiwan sa simbahan ang kanilang salapi. Itinatago nila iyan sa ibang pook.

--Nguni't paano sila nakapagkamal ng gayong napakaraming kayamanan? --ang usisa ni San Pedro.--Masipag ba sila sa paggawa? Nagbubungkal ba sila ng lupa? Sila ba'y may mga industriya? Dapat silang mamatay sa paggawa, sapagka't upang maging mayaman…kung hindi ako namamali'y sinabi sa akin ni Domingo na ang mgaa anak niya'y may panatang magpakarukha!

Ang marino, na hindi nakaunawa sa sinabi sa kanya ay hindi kumibo.

--At ang habong na iyon, ang bubong na pabilog na iyon at malaki, na natatanaw natin sa dakong kanan, ano iyon?

--Ang katedral ni San Pedro!

--Ano?--ang naibulalas ni San Pedro--ano, anong ngalan ang sinabi mo?

--San Pedro!

--Ang aking katedral, akin, akin, pag-aari ko! At akin, na hindi ko man lamang nalalaman. Wala, walng sinasabi sa akin ang mga galawgaw na nanggaling sa lupa. Nguni't ako'y nagagalak, nagagalak ako!

At sa pagnanasang makaalis siya sa sasakyang dagat at sa pagkalimot sa kanyang mga pag-iingat laban sa Pilipinas, ay gumayak na umahon. Datapuwa't siya'y pinaalalahanan ng isang marinero na nararapat munang maghintay ng pagdalaw, na sadyang ipinag-uutos at maghintay ng kapahintulutan ng mga maykapangyarihan upang makaahon at makapasok.

--Nguni't may kapahintulutan na ako--itinugon ni San Pedro.--May pasaporte na akong binayaran ko ng labing-anim na piso.

--Walang kakabu-kabuluhan iyan!

--Bakit wala? Nang kami'y dumating sa Biktoriya, na isang bayang sakop, ay hindi kami nangailangan ng kapahintulutan ni ng pasaporte, gayong yao'y isang bansa ng mga insik at di-binyagan!

--Iyang-iyan din nga ang dahilan, nguni't ito'y isang bansa ng mga katoliko!

--Dahil din diyan; ang lahat ay tinatawag na kapatid ng mga katoliko!

--A!--ang naibulalas ni San Pedro, at bagama't hindi niya nauunawaan ay napahinuhod na siya.

Pagkaraan ng dalawang oras na paghihintay, sa dahilang ang dadalaw ay nakikipagmasarapan pa sa pakikipagsatsatan sa kanyang mga kaibigan, ay dumating ang lantsa ng Kapitanya, upang ipagbigay-alam sa kanila na sila'y ikukuwarentas sa Maribeles.

--Ano? Bakit kami ikukuwarentas?--ang nagngangalit na tutol ni San Pedro.

--Oo, sapagka't nanggaling tayo sa pook na marumi.

--Nguni't hindi ba sinabi mo sa akin nang tayo'y naglalayag na lalong malinis ang maraming lansangan sa Biktoriya kaysa mga lansangan sa Maynila?

--Hindi iyan ang pinag-uusapan--ang tugon ng marino-- ang dahila'y may kolera sa Biktoriya.

--A, gayon pala!; datapuwa't hindi ba sinabi mo rin sa akin na may kolera sa Maynila; at iyon ang ikinamatay ng iyong asawa, at hindi siya ipinalibing ng mga kura sa dahilang namatay nang hindi nagkumpisal? Kung gayo'y bakit pipigilin ang ating pagpasok?

--Sapagka't kailangang tumupad sa mga kautusan. Dito'y mahigpit na ipinatutupad ang mga kautusan, nauunawaan mo ba?

--A!-- ang muling naibulalas ni San Pedro, nang hindi naunawa ngayon nang higit sa nakaraan.

--At sabihin mo nga sa akin, titigil ba kayo, kung gayon, ng apatnapung araw sa Maribeles?

--Hindi, tao pala kayo, tatlong araw lamang.

--Kung gayo'y sinasabing kuwarentena -- apatnapu?

--Sapagka't ang kuwarentena ay nangangahulugan ng isa, dalawa, o tatlong araw!

--A! Datapuwa't ang aking pasaporte, ano ang kahulugan nito? Hihingin kong isauli sa akin ang labing-anim na pisong ibinayad ko, ako'y tututol!

--Sst! Ang mga insik ay hindi nagsisitutol.

Naalala ni San Pedro na ang mga insik ay hindi nagsisitutol, at nagbubuntung-hiningang namanhik sa kanyang Guro na siya'y gawing ibang naninirahan sa lupa.

--Datapuwa't Pedro, at ang iyong pasaporte? Natatandaan mong ipinagbilin sa atin ng Amang Walang Hanggan na iwasan ang pakikipag-usapin sa mga maykapangyarihan dito.

Sinumpa ni San Pedro ang sandaling ikinapag-isip niyang mag-sainsik at pagkaraan ng tatlong araw na pagkakakuwarentenas sa Maribeles, ay ipinagbigay-alam sa kanilang maaari nang pumasok sila sa Maynila. Nguni't ang lahat ng mga bungang-kahoy niya'y nabulok at ang kanyang kalakal ay napanganyaya.

--Ba! Ang sabi niya sa sarili--ipagbibili natin ang mga panyong seda.

Datapuwa't ang kabo ng mga guwardiya'y hindi pumayag na si San Pedro'y makababa nang hindi muna nasisiyasat ang maleta nito at nang makita ng kabo ang mga panyo'y dumampot ng dalawa. Pinabayaan siya ni San Pedro upang pagaanin ang loob ng kabo at nang ito'y magbigay ng "guia" , yamang kung wala nito ay sinabi sa kanyang hindi siya makaaahon.

Si Hesus ay lumalakad nang walang napapansin at nag-iisip-isip, samantalang si San Pedro'y nakasimangot at nagtutungayaw sa pagtutol sa gayon karaming mga paghihigpit.

--Makikita ninyong pagdating ko sa aking katedral ay makikilala nila ako roon!-- ang sabi sa sarili.

Isang karabinerong nakakita sa kanya ang naghinaalang may dala siyang kontrabando kaya'y siya'y kinapkapan buhat sa paa hanggang ulo. Tumutol ng buong higpit si San Pedro, at kung dala-dala lamang niya nag kanyang tabak ay tinapyas na sana niya ang tainga ng karabinero.

--Huli, huli! -- ang sigaw ng buong galak ng karabinero, na nakatuklas ng isang balot ng pisong mehiko-- Huli!

--Nguni't iya'y akin, iya'y akin -- ang sigaw ni San Pedro.

--Iyan ng ang dahilan! -- ang itinugon ng karabinero.

Akala ni San Pedro'y nasisiraan na siya ng bait: ang bansang yao'y talagang hindi maaaring maunawaan. Nang makita siya ni Hesus sa gayong kagipitan at maalaala ang tagubilin ng Amang Walang Hanggan, ay nagtangkang maghiganti sa inasal sa kanya ni Pedro noong siya'y itatwa nito sa Herusalem, sa pamamagitan ng pagtatwa naman niya ngayon kay Pedro. Nguni't nanaig ang puso niyang dakila't mabuti at siya'y sumunod sa dalawa.

Si San Pedro'y dinala ng karabinero sa isang malapit at maliit na kuwartel na kinaroroonan ng isang opisyal na kastila at maraming karabinero.

Sinamsam nila ang lahat ng mamisong dala-dala ni San Pedro, hiningan ito ng tanong, at nang makita ni Hesus na isasakdal ang kanyang alagad, ay nagtangkang mamagitan.

Sa himig na ginamit niya nang may labingwalong dantaon na ang nakaraan, noong siya'y makikipag-usap sa mga pariseong nagtanong sa kanya kung nararapat ba o hindi magbayad ng buwis kay Sesar, ay sinabi ni Hesus sa opisyal na europeo:

--Iapkita mosa akin ang isang piso ninyo!

Ang opisyal na kailanma'y hindi nakabasa ng bibliya, ay walang kahina-hinala sa silong inihanda sa kanya. Dumukot sa kanyang bulsa ng isang pisong mehikano, na katulad na katulad ng mga piso ni San Pedro.

--Ang piso bang ito'y inyo at ito ba'y ginagasta ninyo sa bansang ito?

--E ano pa kundi gayon, sa iya'y bahagi ng ipinasahod sa akin. Ang salaping iyan ang ipinambabayad ng pamahalaan.

--Datapuwa't kumg ang mga salaping to'y pinahihintulutan sa bansa at ginagamit ng pamahalaan, bakit sinasamsam ninyo ang daladala ng insik na ito? At kung siya'y inyong isusuplong, bakit hindi ninyo isuplong ang inyo ring pamahalaan?

Hindi malaman agad ng opisyal kung ano ang isasagot; siya'y nalilito.

--Sa dahilang ayaw kami rito ng pisong mehikano-- ang pakli niyang nagngangalit.

--Kung gayo'y bakit hindi ninyo itapon sa ilog ang mga pisong pag-aari ninyo?

--Hindi; sa mga piso lamang na nasa amin ay mayroon nang sapat!

--Kayo ba't gumawa ng panata ng pagpapakarukha?

--Aba! Anong panata ng pagpapakarukha ang sinasabi mo?--ang tugon ng karabinero. Kami'y mayayaman na sana kung kami'y gumawa ng panata ng pagpapakarukha.

Inakala ng opisyal na siya'y binibiru-biro ni Hesus at sa dahilang wala siyang mahagilap na matuwid upang ilaban sa mga tanong, siya'y nagalit at tinawag si Hesus na mapagbago at kaaway ng kastila. Bilang pinakabunga nito, ay iniutos niyang si Hesus ay kapkapang mabuti ng dalawang kawal.

Kinapkapan ang lahat ng mga bulsa ni Hesus at nakuha nila ang aklat ng mga alaala na sinulat ni Hesus upang ihandog sa Amang Walang Hanggan. Nang mabasa ng opisyal ang mga puna ni Hesus tungkol sa kuwarentenas, nagliwanag ang kanyang pagmumukha sa isang ngiting makaimpiyerno!

--Aha! Naaamoy ko na nga bang ikaw ay pilibustero! Ang sigaw niya na humarap kay Hesus.-- A! walang hiya! A, Pilibustero. Tinutuligsa mo ang mga bagay-bagay na nakatatag, pinahihintulutan mo ang iyong sariling sumulat ng mga puna, inaakala mong dapat pintasan at kakatwa ang ginagawa doon, at pinupulaan mo ang kuwarentenas. Dalhin siya sa bilangguan aat ngayon di'y isakdal siya.

Si San Pedro, nang makita niyang sumasama ang lakad ng mga bagay-bagay, ay nagsamantala sa kaguluhan at nagsimulang lumayo nang unti-unti; at nang marinig niyang panganlang pilibustero ang kanyang guro, ay nahulog na muli sa masama niyang kaugalian, lumabas sa kuwartel at tumakas nang buong bilis. Sa kasamaang palad, noon ay katanghaliang tapat at wala ni isa mang tandang na tumilaok. Mayroon siyang malabong kaalaman tungkol sa tawag na pilibustero na narinig niya sa isang tao sa langit, at sa di pag-aalaala sa anuman at walng sumasaisip kundi ang panganib, ay nilisan at pinabayaan ang kanyang guro.

Thursday, September 22, 2005

Makamisa

Para sa mga klasemyts sa PI-100 C at sa mga maaring makagamit. Sana hindi masama itong ginagawa ko. Kasi parang pareho lang ito nung pagpapaxerox natin sa lib, kaso wala nga lang akong ID. Naghahanap ako nung Makamisa: Search for the Third Novel ni Ambeth Ocampo kaso lang puro may bayad...













Tumigil ang tugtugan at natapos ang misa ni Pare Agaton.

Humugong ang simbahan sa bulongbulungan at sagadsagaran ng mga tsinelas ng nangagsisilabas. Sagilsilan at pawisan sa init at antok, ang iba'y kukurap-kurap, ang iba'y naghihikab at ga-kumukurus pa ay nagtutulakan sa pagdukwang sa benditang nakalagay sa dalawang mangkok na pingas, sa malapit sa pintuan. Sa pagkakagiligilanay may batang umaatungal, matandang nagmumura at nagbububula ang labi, may dalagang naniniko, kunot ang noo't pairap sa kalapit na binata, na tila baga mauubusan ng tubig na maruming tila na putikang tirahan ng kitikiti. Gayon ang pag-aagawang maisawsaw ang daliri, malahid man lamang maikurus sa noo, batok, puson at iba't iba pang sangkap ng katawan. Taas ng mga lalaki ang hawak na salakot o sambalilo kaya, sa takot na madurog; pigil na magaling ng mga babae aang panyo sa ulo at baka mahulog; may nakukusamot na damit, may napupunit na manipis na kayo, may nahuhulugan ng tsinelas at nagpupumilit magbalik at nang makuha, nguni't nadadala ng karamihang tulak ng mga punong bayang lumalabaas na taas ang yantok, tanda ng kanilang kapangyarihan. Ano pa't sa isang hindi nakababatid ng ugali sa katagalugan, ang dagildilang ito't pag-aagawan sa tubig ay makakatakot at maiisip na nasusunog ang simbahan, kundangan lamang at may ilang nagpaptirang babaing may loob sa Diyos, na hindi lumalabas kundi nagdarasal ng pasigaw at naghihiyawaan na tila baga ibig sabihin:

--Ay, tingnan ninyoo at kami'y mga banal. Hindi pa kami busog sa haba ng misa.

Tila baga kung tatanungin ang karamihan kung bakit sila pangagaw sa tubig na yaon at ano ang kagalingan ay marami na manding makasagot ang lima sa isang daan. Ang siyam na pu at lima'y dumadalaw sapagka't ugali. Salbahe ang lumabas na hindi nagkurus muna: mag-alkabalero ka na ay huwag ka lamang magkulang sa kaugalian.

Ngunit't kung sasalugsugin ang loob ng lahat ng araw ng linggong yaong, linggoo de Pasyon, at itatanong sa marami kung ano kaya baga ang ipinagdudumali, kung ang takot na mainis at makuluom sa loob, o ang masarap kayang simoy ng hanging humihihip sa labas at gumagalaw sa madlang halaman at bulaklak saa patyo, ay marahil ay may ibaa pang masasaabi. Sa mata ng lahat sa mga tinginan at kindatan pa saa loob ay mababasa ang isang lihim na pag-uusisa:

--Napaano kaya ang dating kura?-- ang tanong na hindi mapigil ng isang matandang manang na ungab at hupyak ang pisngi, sa isang katabing kapuwa manang.

At nang matakpan ang kanyang pag-uusisa sa loob pa ngg simbahan, ang matandang manang ay ga-kumurus-kurus na at nag-suusmaryosep!

--Hindi man kami sinubuan ng pakinabang… Napaano po kaya?

--Napaano nga po kaya? Nagmisa nga po nang padabog, a! --ang sagot naman ng tinanong na isang manang na mataba na kumukurus-kurus din naman, bumiling pa, humarap pa sa altar at gayumukod pa nang kaunti.-- Kulang na po lamang ipaghagisan ang mga kandila, a! Susmaryosep!

--Siguro po'y gutom na!-- ang sabat naman ng isanng napalapit na babaing mahusayy ang bihis.--Tingnan nga po ninyo't hindi man lamang binendisyonan ang anak ng aking alila… aba! Di sa linggo pong darating ay iuutangg na naman sa akin ng ibabayad! Ikako'y hari na ngang maallisan ng empakto. Aba! Empaktado po! Marami na pong nababasag! Ako nga'y madali; ayoko nga po nanng hindi binebendisyonang lahat!

Ganito ang salitaan hanggang makalabas sila sa pintuan. Doon naman nagkakatipon ang mga lalaki sa pag-aabang ng mga dalagang nagsisilabas. Doon ang pulong-pulungan, doon nagmamasid at napamamasid, ang aglahian, tuksuhan at salitaan bagay sa mga nangyayari. Datapuwa't nang araw na iyon, ang hantungan ng salitaa'y hindi ang magagandang dalaga, hindi ang panahon at ang init kundi ang pagmamadali ng kura habang nagmimisa. Bahagya nang napuna ang paglabas ni Marcela, dalagang pangulo sa bayan, anak ni Kapitang Lucas, na nagbabaras ng mga araw na yaon. Ang Marcelang ito'y bagong kagagaling sa Maynila, sapagka't namatay ang aling nagpalaki, kapatid ng kanyang ama. Kaya nga luksa ang kanyang damit sapul sa panyong talukbong sa ulo hanggang sa medyas na balot ng maliit na paang nakikita sa mabini niyang paghakbang. Sa tuwid ng katawan, sa taas ng ulo at sa kilos at lakad ay napaghahalata ang bukod na kapintasan, ang malaki niyang kapalaluan.

Bagama't marami ang nalibang sa sandaling sumunod sa kanya ng tingin, bagama't natigil na sumandali ang salitaan, nguni't hindi rin nakalimutan ang tanungan bagay sa kura.

--Napaano kaya si Agaton natin?-- ang tanungan ng lahat.

Si Agaton natin ang tawag na palayaw sa balitang pare.

Hindi man naantay matapus ang kantores a!

--Kung ipagtulakan ang misal…

--Padagis na ang dominus pabiskum…

--Totoong lintik na naman ang ating si Aton; totoong ginagawa na ang asal!

--Baka kaya nagpupurga!

--Ilan pan araw at tayo'y tutuwaran na lamang…

Hindi ko na sasalaysayin ang lahat ng mga kuru-kuro ng mga lalaki at mga agalahiang may kagaspangang labis. Ano nga kaya ang nangyari sa mabunying pare, na mabining kikilos at iikit na tila aral sa salamin, na magaling magpapadipa-dipa at magkiling ng ulo kung magmisa? Ano't hinarus-haros ang misa at umungol-ungol lamang gayong kung tura'y datihang magaling aawit at magpapkatal ng boses kung nag ooremus? Winalang-bahala ang lahat, misa, kantores, pakinabang, oremus at iba pang palabas at nagmamadaling tila di inuupahan. Nagsisimba pa naman ang bunying si Marcela, ang dalagang sapol nang dumating ay dinadalaw gabi-gabi ng Kura. Naapaano nga kaya si P. Agaton at di sinubuan ang tanang gutom sa laman ng Diyos, gayong kung tura'y totoo siyang masiyasat sa pakumpisal at pakinabang?

Samantalang ito ang usapan ng nangatayo sa pintuan, ang mga kaginoohan nagtitipon dahil sa pag-akyat sa kumbento at paghalik sa kamay ng Kura alinsunod sa kaugalian. Kung gulo ang isip ng taong bayan sa balang kilos ng Kura at walang pinagtatalunan kundi ang kadahilanan, gulo rin naman ang loob ng mga maginoo, at napagkilalang tunay sapagka't bahagya nang mangakakibo, lalong lalo na ang Kapitan, ang bunying si Kapitan Lucas na totoong natitigilan. Kaiba mandin sa lahat ang umagang yaon. Ang masalita at matapang na Kapitan Lucas ay hindi maka-imik. Titikhim-tikhim, patingin-tingin, at tila mandin di makapangahas lumakad at magpaunang para ng dati. Ang sapantaha ng nakapupuna ay takot siya ngayon at baka may ginawang kasalanan. Balita nga sa tapang at balitang lalaki si Kapitan Lucas lalong lalo na kung ang kausap ay nasasaklawan at daig, nguni't kapag ang kaharap ay pare, kastila o alin mang may katungkulan, ay bali na ang leeg, tungo ang malisik na tingin at pabulong-bulong lamang ang masigawing boses.

Hindi nga makapangahas pumanhik si Kapitan Lucas sa kumbento at baka mabulalas ni P. Agaton. Tunay nga't magaling ang kanyang panunuyo, walang kilos, walang ngiti, walang tingin ang pare na hindi niya nalilining dala ng pagkaibig maglingkod at nang makapagkapitang muli. Habang nagmimisa'y inusig ni Kap. Lucas ang sariling isip; sagana siya sa pamisa, magagaling ang libing, halik siyang palagi sa kamay ng among; kahapon lamang ay kinatuwaan pa siyang kinutusan ng pare at hinaplos sa batok dahil sa kanyang alay na dalawang kapong samsam sa isang taga-bukid.

Sumaloob sa kanya na baka makararating sa tainga ng pare ang balitang siya'y nakabasa ng librong bawal, diaryo at iba't iba pang pangahas na isipan, at pinasukan ng takot. Nguni't bakit doon magpapahalata ng galit sa misa? Baka kaya nakapagsumbong ang kanyang datihang katalo, ang mayamang si Kap. Tibong kapangagaw niya sa pagbabaras? Walang iba kundi ito, kaya nang kanyang sulyapan ay masaya ang mukha ni Kap. Tibo at tila uumis-umis pa. Pinangulangan nga, humiging sa kanyang tainga ang bulas na mabagsik, ang sigaw aat mura. Nakinikinita niyang Kapitan na si Kap. Tibo at siya'y wala nang katungkulan; pinagpawisan ng malamig at tumingin ng mahinuhod sa upuan ng kanyang kaaway.

Malungkot ngang lubha nang matapos ang misa at lumabas siyang parang nananaginip. Nanulak sa pagsasagilsilan, sumawsaw sa bendita at nagkurus nang wala sa loob, palibhasa'y malayo ang kanyang isipan. Nakaragdag pa ng kanyang takot ang mga usapan ng tao at ang mga kuru-kuro at akala sa ikinagagalit ng kura.

Para ng isang nadadala ng baha na walang makapitan si Kap. Lucas ay lumingap-lingap at humahanap ng abuloy. Kintal sa mukha ng lahat ang may libak na tawa, ang ngising masakit sapagka't poot sa kanya ang lahat niyang sakop at sawang-sawa nas a kanya ang bayan. Samukha lamang ng isang tagasulat tila niya nasiglawan ng awa, sa mukha ni Isagani, nguni't awang walang kibo, awang walang kabuluhan, paris ng awang nakaguhit sa mukha ng isang larawan.

Upang mailihim ang pangamba at takot, ay nagtapang-tapangan at naggalit-galitan. Nagmasid sa paligid at naalala ang utos ng kura tungkol sa susunod na linggo de Ramos. Pinagwikaan nga ang mga kabisa at inusig sa kanila ang kawayan at haliging gamit sa maligay. Tinamaan silang lahat ng lintik at ang ibig nila'y makagalitan ng kura. Palibhasa'y hindi sila ang mananagot. Ano ang ginagawa ng mga kunulugan at hindi nagpahakot ng kawayan? Itatali ba nila sa langit ang tolda? Ipahahampas niya silang lahat ng tig-iisang kaban kapag siya'y nakagalitan ng kura sa kagagawan nila…

Iba't iba pa ang sinabi at sa paggagalit-galita'y nang matapos ay tunay na ngang galit. Ang sagot ng mga kabisa'y may panahon pang labis, sapagka't kung ipapaputol agad an kawayan at haligi'y matatalaksan lamang, siyang ikagagalit ng among at baka sila'y hagarin ng palo, paris na nga ng Kandelariyang nagdaan.

Sa ngalan ng kura, hindi na nakaimik si Kap. Lucas, lalong lalo na ng mabanggit ang paghahangad ng palo. Nakinikinita niya sa likod ang kalabog ng garroteng pamalo. Nanglambot at nag-akalang umuwi't magdahilang maysakit, nguni't sumilid sa loob niyang baka lalong magalit ang pare dahil sa di niya paghalik sa kamay. Maurong-masulong ang kanyang kalooban, kunot ang noo, ang dalawang daling noong kaloob sa kanya ng Diyos! Nagtatalo ang loob niya sa dalawang takot, sa bulas ng kura na kaharap ang lahat, at sa galit ng kurang hindi siya papagkapitaning muli.

Siya ngang dating ng isang alila ngparing nagdudumali.

--Dali na po kayo-- ang sabi sa Kapitan--at kayo po ay inaantay. Totoo pong mainit ang ulo ngayon!

--Ha, inaantay ba kami--ang sagot na baliw ni Kap. Lucas, na matulig-tulig--Oy! Dali na kayo-- ang sabi sa mga kabisa--narinig na ninyo: Tayo raw ang inaantay…

--Aba, kayo ang inaantay namin, ang sagot ng mga kabisa --kanina pa po kaming…

--Kayo ang hindi kukulangin ng sagot…

Dali-daling lumakad sila, tahak ang patyoo at tungo sa kombento. Ang kaugalian ng dati'y pagkamisa, ang mga kaginoohan ay umaakyat sa kombentong ang daan ay sa sakristiya. Nguni't binago ni P. Agaton ang ugaling ito. Sa kaibigan niyang matanghal ng lahat ang paggalang sa kanyan ng bayan, ipinag-utos na lalabas muna ng simbahan at doon magdaraan sa patyo, hanay na mahinusay ang mga kaginoohan.

Lumakad na nga ang mga puno, nangunguna ang Kapitan, sa kaliwa ang tenyente mayor, Tenyenteng Tato, sa kanan ang Juez de Paz na si Don Segundo. Magalang na nagsisitabi ang mga taong-bayan, pugay ang takip sa ulo ng mga tagabukid na napapatingin, puno ng takot at kababaan sa gayong mga karangalan. Tinunton nila ang malinis ng lansangang tuloy sa pintuan ng kombento. Tanim sa magkabilang tabi ang sari-saring halamang pang-aliw sa mata at pang-amoy ng balang nagdaraan . Ang mapupulang bulaklak ng gumamelang pinatitingkad ng madilim na murang dahon, salitan ng maliit na sampagang naggapang sa lupa, nagkikislapan sa masayang sikat ng araw. Katabi ng walang kilos na kalachuche na hubad sa dahon at masagana sa bulaklak ay wawagawagayway ang adelpang taglay ang masamyong amoy; ang dilaw na haluan ng San Francisco, ang dahong mapula ng depaskuwa'y kalugud-lugod kung malasin sa…

Nguni't ang lahat ng ito'y hindi napupuna ng mga maginoo, sa pagtingin nila sa bintana ng kombentong paroroonan. Bukas na lahat ang mga dungawan, at tanaw sa daan ang loob na maaliwalas. Sapagka't sa kaibigan ni P. Agatong ipatanghal ang pagpapahalik niya ng kamay ay pinabubuksan kung araw ng linggo ang lahat ng bintanang lapat na palagi kung alangang araw. Kaya nga't malimit pang lumapit siya sa bintana at doon umupo habang nagpapahalik, samantalang kunwari'y nagmamasid-masid sa mga dalagang lumalabas sa simbahan.

Natanawan nila sa malayo ang mahagway na tindig ng pare na palakad-lakad ng matulin, talikod-kamay at tila baga may malaking ikinagagalit. Pabalik-balik sa loob ng salas at minsan-minsang tumitingin sa daan, at nasisiglawan ang kintab ng taglay na salamin. Nang makita mandin ang pagdating ng mga maginoo'y tila natigilan, napahinto sa pagpapasiyal at lumapit at dumungaw. Ga-tumango ng tangong inip, at saka itinuon ang dalawang kamay sa babahan. Nagpugay agad si Kap. Lucas. Nagdudumali ngang tinulinan ang lakad. Sumikdo-sikdo ang loob at dumalangin sa lahat ng santong pintakasi at nangako pang magpapamisa, huwag lamang siyang makagalitan.

Nang maakyat sa hagdanan ay sinalubong sila ng isang alilang nagsabi ng marahan.

--Kayo raw po ay magsiuwi na, ang wika ng among.

--At bakit?--ang tanong sa mangha ni Kap. Lucas.

--Galit pong galit… Kanina pa po kayo inaantay. Sabihin ko raw sa inyong siya'y hindi bihasang mag-antay sa kanino man.

Namutla si Kap. Lucas at kaunti nang himatayin nang ito'y marinig. Nautal at hindi nakasagot kapagkaraka, nagpahid ng noo, at sumalig sa bunsuran.

--Galit ba…ano ba ang ikinagagalit?

--Ewan po!--ang bulong ng alila.--wala pong makalapit. Inihagis po sa kosinero ang tasa ng tsokolate.

Nagpahid na muli ng noo si Kap. Lucas, at hindi nakaimik.

--Si aleng Anday…nariyan ba? --ang naitanong na marahan.

--Narito po, nguni't nakagalitan pati-- ang sagot ng alila

At idinugtong na marahang-marahan:

--Sinampal po!

Napanganga si Kap. Lucas at nawalan ng ulirat. Sinampal si aleng Anday! Pinutukan man siya sa tabi ng lintik ay hindi gaanong nagulat paris ng marinig ang gayong balita. Sinampal si aleng Anday, gayong si aleng Anday lamang ang sinusukuan ng kura.

May tumikhim sa loob.

--Kayo'y umuwi na at baka kayo marinig ng pare ay kayo'y hagarin!--ang idinugtong ng alila.

Hindi na ipinaulit ni Kap. Lucas ang hatol ng alila; nanaog na dali-daling kasunod ang lahat na maginoo sa takot na baka siya labasin ni P. Agaton na dala ang garrote.

Nang makalabas na ay nag-isip upanding pagsaulan ng loob. Nagpahid uli ng mukha at nang may masabi sa kanyang mga kasama'y nagwika:

--Napaano kaya si P. Agaton?

--Napaano kaya?--ang sagot ng tenyente mayor.

--Siyanga, napaano kaya!--ang tanong ng Juez de Paz.

At nagtuloy silang lahat sa Tribunal.

Tunay nga't hindi biiru-biro lamang ang galit ni P. Agaton.

Nang makamisa at matapos mangalbot ang lahat na isinoot, nakyat sa kombentong dali-dali umupo at mag-aalmusal, at nang mapaso ng tsokolate ay inhagis sa kosinero ang tasa.

Si aleng Anday, na bagong kagagaling sa misa, at suot ang magagaling na hiyas ay sinagupa ng mura at sampal na kaunti nang nagkahulog-hulog. Kaya nga dali-daling nanaog at umuwi sa bahay. Walang makaalam sa buong kombento ng dahilang sukat ikagalit ng kura. Malamig pa ang ulo noong bago magmisa, umimis pa sa sabing marami ang naipagbiling kandila, at kaya nga binigyan pa ng isang salapi ang sakristang mayor. Ano ang namalas habang nagmimisa na hindi niya minagaling? Puno ang simbahan ng tao; ang lalong magagandang dalaga'y nangagluhod na malapit sa altar at si Marcela'y bagaman malayo ay tanaw din ng tanaw sa malayo, katabi ni aleng Anday sa luhuran. Ang sakristyan mayor ay walng sukat masabi.

Hindi man ugali ni P . Agaton ang daanan nng sumpong na para ng ibang pare. Karaniwa'y mahusay, masaya at matuwain, lalo na kung marami ang pamisa, magagaling ang libing at nasusunod ang lahat niyang utos. May sampung taon nang kura sa bayan ng Tulig; dumating na bata pa, dalawampu't walo lamang ang tanda, at sa panahong ito'y nakasundo niyang totoo ang bayan.

Tunay at mainit nang kaunti ang ulo, magaling mamalo kapag nagagalit at may ilang mahirap na ipatapon sa malayo at ipinabilanggo nang taunan; nguni't ang lahat nang ito'y maliliit na bahid kung matatabi sa mabubuti niyang kaugalian. Siya ang takbuhan ng tao sa bayan sa anumang kailangan sa kabesera; siya ang sinusuyo ng sinumang ibig magbaras o may usapin kayang ibig na ipanalo. Siya ang puno, siya ang tanggulan, siya halos ang kalasag ng bayan sa anomang marahas na pita ng ibang pinuno. Tunay nga't may kalikutan ng kaunti sa babae, laong-lalo na noong kabataang bagong kadarating, nguni't wala namang sukat na masabi sa kanya ang bayan; ipakasal na mahinusay, pinabahayan at binigyan ng puhunan ang lahat niyang ginalaw, alin nakaya sa ibang binata na nakasira't hindi nakabuo, at saka ang isa pa'y tumahimik nang lubos sapul ng makakilala si aleng Anday, ngayon na nga lamang umuwi ang Marcela na galing sa Maynila, ngayon na nga lamang tila nagugulong panibago, malimit ang pagdalaw sa bahay, ugali't maganda ang dalaga, kaibigan ang ama at wala pa namang sukat na masabing higit sa karaniwan. Tunay ngang dumaraing ang ibang mahirap at tumatangis sa kamahalan ng libing, binyag at iba pang upa sa simbahan datapuwa't talastas ng marami na kailan ma'y madaraingin ang mahirap at sa katunayan nga'y ang maya-maya'y busog sa kanilang kura at tila pa mandin nagpapalaluan ng pagbabayad ng mahal sa kanilang pare.

Mutya nga halos ng bayan ang bunying kura kaya nga't walang alaala ang tanan kundi pag-aralan ang lahat niyang nasa at pangunahang tuparin ang lahat niyang utos. Agawan ang lahat ng paglilingkod sa kanya, palaluan ng alay at sa katunayan ay saganang palagi ang kusina't despensa sa kombento; sa kura ang maputi at bagong bigas, sa kura ang matabang manok, ang malalamang baka, ang baboy at usang nahuli sa bating, ang ibong nabaril , ang malaking isdang nahuli sa dagatan, ang matabang ulang at ang mga masasarap at mabubuting bunga ng kahoy. Bukod sa mga handog na ito ng mayayaman, na ikinabubuhay ng pare na walang gasta at ng kanyang mga alila ay sunud-sunod pang dumating ang mga panyong habi, ang mga talaksang kahoy ng tagabukid na walang sukat maialay, ang lahat na panunuyo ng nagkakailangan , sa napabilanggong ama, sa hinuling kapatid, sa sinamsam na hayop ng Guwardiya Sibil, sa ipalalakad na kamag-anak sa Kabesera na hindi maalaman ang dahil. Sa lahat nang ito'y isang sulat lamang, isang pasabi o isang salita kay ang kura'y nakaliligtas ang napiit, nakauuwi ang hinuli, nasasauli ang hayop at napapanatag ang natitigatig na bahay.

Wala namang sukat masabi ang tao sa kay aleng Anday, subali't puri pa at galang ang kinakamtan niya. Sapagka't sa totoong mahihigpit na bagay, sa mga nakawan o harangan kaya, si aleng anday ang takbuhan ng mga mahihirap at sa pamamagitan niyang mabisa'y walang napapahamak, walang natitimba, walang naruruhagi. Kaya nga't ang tingin kay aleng Anday ay parang isang may pusod na Birhen, maawain at mura-mura pa sa ibang Birheng kahoy na sinasampalatayanan.

Di sukat ngang pagtakhan kung magulo ang Tulig sa naramdamang galit ng kura. Kung biglang mag-itim ang masanting na araw, matuyo kaya ang masaganang batis at magiaginitan ang mga kabundukan, sino ang di mababalisa at papasukan ng takot? Sa mga Tulig si P. Agaton ay mistulang araw na maselang, matamis na batis, masamyong amihan, masaganang kabundukan at bukod sa rito'y ama pa ng kaluluwa.

Hindi man lamang sumagimsim sa loob ng sinumang baka si P. Agaton ay nauulol. Masisira muna ang ulo ng lahat bago ang isipan ni P. Agaton; susumpungin ang lahat. Kaya nga't sa tribunal, makatapos ang misa'y walang ibang pinagusapan at pinagpulungan ang mga kaginoohan kundi ang dahilang ikinagalit ng kura. Magtalo man at maghimutukan ay wala silang sukat na matuklasang dahilan, walang sukat masabi kundi ang ating kura ay galit. Sapagka't nabalitaang nsampal si aleng Anday ay wala mandin silang…


This page is powered by Blogger. Isn't yours?