Monday, November 08, 2004

ilaya

Sa ilang taon kong pamamalagi dito sa Unibersidad ng Pilipinas, dito ko nasilayan ang mga bagay na hindi ko pa nararanasan at dahil dito ay nagkakaroon ako ng mga katanungan na nagbibigay sa akin ng kamalayan sa mga aspektong iyon. Ang Unibersidad na nagsasabing nagbibigay ng sapat na kalayaan para sa mga mag-aaral nito, mahirap man isipin ay napagmulatan kong mayroon ring ilang patakaran na mismomg nagwawasak sa pagkakakilanlang ito. Ang ilan ay malinaw na nakikita at nadarama ng mga iskolar ng bayan ngunit ito ay hindi napagbibigyang pansin at patuloy na nagaganap.
Sa unang taon ko bilang iskolar ng bayan ay mapapansin ang pagiging liberal ng unibersidad. May lugar para sa iba’t-ibang aktibidad na maaring kaangkopan ng bawat isa. Kahit ang paninigarilyo ay may kanyang karapatan para maisagawa ng mga nabubuhay para dito. Kaysarap ng buhay, malaya at may iba’t-ibang pagpipiliang daang maaring patunguhan.
Naging inspirasyon sa akin ang pribilehiyong ito para makapag-aral ng mabuti sa aking unang kursong nakuha sa Kolehiyo ng Sining at Komunikasyon, ang Komunikasyong I. Naging malaya ako sa pagsulat at paghayag ng aking saloobin. At sa inaasahan ay nagkaroon ng mataas na grado sa nasabing kurso.
Ngunit sa pagdaan ng panahon ay nakikita ko ang mga butas sa magandang imaheng una kong nasulyapan. Naalala ko ang aming mga manok na pinalalaki sa malawak na espasyo at pinakakain ng marami para maging mataba. Ngunit gaano man kalawak ang espasyo ay mayroon namang mga pader na pumapalibot at naglilimita sa wagas na kalayaan na sinasabing karapatan ng bawat isa. Habang mas maraming pagkain na binibigay ay lalong napapalapit ang mga manok sa kulungan dahil sa mga “reinforcement” na napakahirap hanapin at makuha ngunit naiibigay lang sa mas madali at kayang paraan.
Pumasok ako ng Komunikasyon II at nagsimulang lumabas ang mga bagay na nagbigay sa akin ng malaking katanungan. Maraming kagamitan ang dapat bilhin at maraming patakaran na dapat sundin hanggang sa pinakamaliit na detalye. Kulay at laki ng papel, paraan ng pagsulat ay dapat naayon sa mga sangkap na napili ng guro.
Sa kursong iyon ay napili kong pag-aralan ang isang dayalektong ginagamit sa isang lugar sa aming probinsiya at ako ay may kaalaman dahil lumaki ako na nakikipagugnayan dito.
Nagpasa ako ng papel at pilit na pinababago ang mga binigay kong halimbawa sa isang sintaks sa paggamit ng dayalektong iyon. Ginamit ko ang mga salitang ‘ihe’, pawis, ‘tae’, na mga magagandang halimbawa sa sintaks na iyon. Ngunit hindi maiintindihan ng guro na mismong ang sintaks na iyon ay ginawa para sa paggamit sa mga salitang iyon at hindi maipapaliwanag ng mga nais niyang salita dahil ang mga pangungusap na iyon ay ginagamit sa mga usapang kabastusan talaga. Naging dahilan ang paghusgang iyon sa pag-alis ng parteng iyon na masasabing isa sa mahahalagang katangian ng dayalektong pinag-aralan ko. Sa pagsunod sa kurso, kaunting pagkakamali ay magdudulot ng pagpapaprint ng halos lahat na papel na gagamit na maraming puno. Maraming pera ang nasayang, maraming kaalaman ang hindi naipahayag at maraming bagay ang naaksaya. Ang guro ang tama at ang estudyante ay ang dapat itama.
Makikita kahit pa sa ngayon ang pagturing sa mga iskolar ng bayan bilang mga manok na laging sinasabing nakakatanggap ng kaalaman na napakahirap makuha ng normal na estudyante. Makikita rin na tinatanim sa isip natin na tayo ay may lubos na kalayaan. Tayo ay may karapatan na sabihin ang ating saloobin. Tayo ay malayang isulat ang ating nais ipahayag, ngunit sa huli ay ang nakakataas ang masusunod. Ang mga pangyayari ay maiihalintulad sa alamat ni Bernardo Carpio na sinasabing ginamit lang ng mga mananakop para pampalubag ng loob sa mga Pilipino na sila ay may bayani na magliligtas, na sila ay may kapangyarihan at lakas.
Ang nababalitang Budget-Cut sa unibersidad ay isa na namang hudyat sa mga iskolar ng bayan na lumabas ng klase at isigaw ang pagtutol. Maraming dapat hikayatin at kailangan isuot o ihanda. Para bang tayo ay naglalaro lang at ang lahat ay “scripted” lang na isang dapat gawin para maging Upian. Para tayong nakakakulong sa isang malawak na manukan na may lakas ng loob na sabihing ang magbabago ng pamayanan. Ngunit sa totoo ay taga-sunod sa tradisyon na kahit noong ating nakaraang paaralan ay nararanasan na natin pala. Ang lahat ay isang ebolusyon at hindi naiiba sa ating kinagisnan na edukasyon. Ang tunay ay makukuha lang sa pamamagitan ng pagmulat sa sarili at pagtalikwas sa mga patakarang sumisira sa sariling idelohiya.

This page is powered by Blogger. Isn't yours?